INIREKOMENDA ng senado na sampahan ng kaso si Philippine Health Insurance Corp., (PhilHealth) chief Ricardo Morales at iba pang matataas na opisyal ng ahensya dahil sa mga nalantad na katiwalian.
Pahayag ito ni Sen. Panfilo Lacson matapos wakasan ng Senado noong nakaraang linggo ang kanilang imbestigasyon sa mga anomalya sa PhilHealth.
Sinabi ni Lacson, kabilang sa mga kasong inirererekomenda ng Senado na isampa laban sa mga opisyal ng PhilHealth ay malversation, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, paglabag sa National Internal Revenue Code, at perjury.
Kabilang sa mga inirerekomendang kasuhan ay sina Morales, Fund Management Sector senior vice president Renato Limsiaco, Jr., senior vice president and chief information officer Jovita Aragona, at senior ICT officer Calixto Gabuya, Jr.
Iginiit ni Lacson, malinaw na malversation ang ginawa ng mga opisyal ng PhilHealth nang ipinatupad nila ang interim reimbursement mechanism (IRM) kahit hindi pa effective ang circular para rito, at ang pondong nakalaan sa program ay nagamit sa mga dialysis centers, infirmaries, at maternity centers kahit hindi naman sila maituturing na nagreresponde sa “fortuitous” events.
“E doon sa mismong IRM, sa circular, ‘yung 2020-0007, nakapaloob doon na ang date of effectivity after publication sa isang pahayagan of general circulation, tapos ‘and,’ hindi naman ‘or,’ ‘yung pagbigay ng kopya sa ONAR, or Office of the National Administrative Register sa UP Law Center. June 11 ‘yung nakalagay doon,” saad ni Lacson sa isang panayam.
Nauna nang inamin ni PhilHealth senior vice president Atty. Rodolfo Del Rosario, Jr., ang release ng IRM funds bago 11 Hunyo 2020 ay maituturing na ilegal.
Paglabag naman sa National Internal Revenue Code at Anti-Graft and Corrupt Practices Act ayon kay Lacson “nang hinugot nila roon sa corporate operating budget ‘yung pondo. E pera ng gobyerno ‘yun. Hindi puwedeng gamitin ‘yun na pambayad ng tax.”
Samantala, maaring managot din sina Aragona at Gabuya sa sinsabing overpricing ng ICT system ng PhilHealth.
Dahil nagsinungaling ang mga opisyal ng PhilHealth kahit under oath sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Lacson na liable sila sa perjury. (CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)