Learn to see. Realize that everything connects to everything else. — Leonardo da Vinci
NAGKAROON ng pneumonia si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., makaraang magpositibo sa sakit na coronavirus 2019 o CoVid-19 — may mga nagsimpatya sa mambabatas at mayroon din natuwa.
Sa isang post sa Facebook, sinabi ng maybahay ng actor-cum-politico na si Bacoor mayor Lani Mercado na naka-isolate na ang kanyang mister sa kanilang tahanan bago isugod sa isang ospital nang magpakita ng sintomas ng pneumonia.
Idinagdag ni ‘mayora’ na “hindi na mainam (umano) para ilagak si Revilla sa regular na pasilidad at mas kailangan ang pangangalaga sa isang ospital.”
“Father we lift him up to you,” saad ni Mercado sa kanyang post.
Habang marami sa mga tagasuporta ng senador at ng alkalde ay naghatid ng mga panalangin para sa mabilis na paggaling ng anak ng yumaong dating senador Ramon “Agimat” Revilla, Sr., mayroon din mga kritiko na nagpahayag ng kanilang mga kuru-kuro ukol sa 53-anyos na dating actor.
Napawalang sala ang batang Revilla sa kasong plunder o pandarambong noong 2018 kasunod ng desisyon ng Sandiganbayan na hindi siya ‘nagnakaw’ ng labis sa P244.5 milyon (US$5 milyon) mula sa kanyang pork barrel funds.
Gayonman, nahaharap pa rin siya sa ibang kasong kaugnay sa graft at inutusan ng korte na ibalik ang P124.5 milyon (US$2.5 milyon) sa national treasury o pambansang kabangyaman.
Ganito man ang mga kaganapan, ipinipilit ni Revilla na ang pagpapawalang-sala sa kanya ay naglinis sa anumang civil liability laban sa kanya, at idinagdag pang wala siyang maibabalik na ‘ninakaw’ na milyones.
Bago mailagak sa pagamutan, nagparamdam ang mister ni Lani sa dalawang-minutong live video para hilingin ang panalangin ng kanyang mga tagasuporta.
Aniya: “Fight . . . (it’s) difficult . . . Just pray for me, please.”
Makapangyarihan ang panalangin — lalo na kung mataimtim. Dangan nga lang ay makapangyarihan din siyempre ang karma.
* * *
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o kaya’y i-text sa cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!
PANGIL
ni Tracy Cabrera