NATUNTON na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Ruben Ecleo, Jr., ang no.1 top most wanted person ng Department of Interior and Local Government (DILG) na naaresto sa Balibago, Angeles City, Pampanga, kahapon ng madaling araw.
May pabuyang P2 milyon, si Ecleo ay matagal nang nagtatago at gumagamit ng pangalang Manuel Riberal, 60 anyos, ng Lot 6, Block 8 Orosa, Diamond Subdivision, Balibago, Angeles City, Pampanga.
Si Ecleo ay at tubong Dinagat Island sa Surigao Del Norte.
Kasamang nahuli ni Ecleo ang driver na si Benjie Relacion Fernan, alyas Smile, 35 anyos, nakatira rin sa subdibisyon at tubong Dinagat island, dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1829 (Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders).
Ayon sa ulat ng pinagsanib na puwersa ng Regional Inteligence Division – Regional Special Operations Group at Regional Mobile Force Battalion kay NCRPO chief, P/Major General Debold Sinas, nabulaga ang dalawa habang papalabas sila sa naturang subdibisyon para maglaro ng golf sa kalapit na Beverly Golf Course dakong 4:30 am.
Dinakip si Ecleo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Chairperson, 1st Division Sandiganbayan Efren Dela Cruz at warrant of arrest mula sa Cebu court sa kasong paglabag sa section 3 (e) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) na may criminal case nos. 24467 at 24469 bukod pa sa kasong parricide.
Ayon sa NCRPO Chief, may ilang buwan nang minamanmanan si Ecleo at nahirapang matukoy agad dahil sa pagpapalit ng mukha o hitsura nito kompara noong nagtatago pa sa Visayas.
Halos anim na buwang minamanmanan si Ecleo na nagpalipat-lipat ng lugar mula sa Visayas ay napunta sa Metro Manila hanggang may impormasyon na nasa Cubao, Quezon City at ang pinakahuli ay sa Pampanga.
Nakuha kay Ecleo ang iba’t ibang uri ng identification card kabilang ang paggamit ng pangalang “Marcos Macapagal Garcia” sa sasakyan niyang Grandia.
Nakuha rin sa kanya ang P173,000 at iba’t ibang currency bills, apat na short firearms at isang long firearm.
Sinasabing ilang beses nang nagtangkang sumuko si Ecleo pero natakot siya dahil nalaman niyang mahirap ang kalagayan sa loob ng bilangguan
Ayon naman sa mga operatiba, nahirapan din silang makuha agad si Ecleo dahil pawang mga miyembro niya ang nakatira sa lugar kaya nagpapanggap silang mga vendor at basurero para lamang makapasok sa lugar.
Si Ecleo ay dating Dinagat Representive at supreme master ng Philippine Benevelent Missionaries Association (PBMA). (JAJA GARCIA)