HINDI nakapagtataka kung malaki ang maging epekto sa mga kandidatong ieendoso ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022 national elections kapag hindi nasolusyonan ang problema sa mataas na singil ng koryente at tubig sa panahong patuloy ang pananalasa ng COVID-19.
Babala ito ni Senator Imee Marcos batay sa ipinakikita at ipinararamdam na diskontento at alboroto ng mga customer ng Meralco, Maynilad, at Manila Water sa sobrang taas ng singil sa konsumo sa koryente at tubig sa nakalipas na tatlong buwan simula nang ideklara ang lockdown.
“Naku, siguradong maaapektohan ang mga kandidato ng administrasyon na tatakbo sa 2022 presidential elections dahil diyan sa isyu ng koryente at tubig. Sobrang taas ng billing ng Meralco, Maynilad, at Manila Water. Paano nangyari yon?” tanong ni Marcos.
Sinabi ni Marcos, malaking usapin ang koryente at tubig sa pang-araw-araw na buhay ng taong-bayan, at kinakailangang kumilos mismo ang Pangulo para maitama ang singil kung nais manalo ang kanyang mga kandidato sa darating na halalan.
“Hindi malayong matalo ang mga kandidato ng administrasyon sa darating na eleksiyon sa 2022 dahil sa isyu ng koryente at tubig. Kaya ngayon pa lang dapat tapusin na ang problema at pagpaliwanagin ang Meralco, Maynilad, at Manila Water. Kung mayroon dapat managot, papanagutin at kasuhan.” pahayag ni Marcos.
Binigyan diin ni Marcos, kailangang magkaroon muna ng aktwal na meter reading sa mga kontador ng bawat customer bago maningil ang Meralco, Maynilad, at Manila Water na pagbabatayan ng billing ng tatlong kompanya.
“Ano sila nanghuhula? Hindi naman dapat ibase lang ng Meralco, Maynilad, at Manila Water sa ‘estimate’ ang singil sa koryente at tubig ng ating mga kababayan. Sobra naman ang estimate nila, kaya hayan tuloy nagkakagulo-gulo, galit ang taongbayan!” dagdag ni Marcos.
Binalaan din ni Marcos ang Meralco, Maynilad, at Manila Water na hindi kailangang gawin ang pagputol ng koryente at tubig kung hindi man nakababayad ang kanilang customer dahil sa hindi katanggap-tanggap na billing pati na ang hindi maayos na serbisyo.
“Palpak na nga ang serbisyo, pati billing palpak na rin! Kaya ‘wag silang mamumutol ng koryente at tubig. Sobra naman ata ‘yan! Ang daming naghihirap at namamatay dahil sa COVID, pero parang walang pakialam talaga ang mga may-ari ng Meralco, Maynilad, at Manila Water. Manhid!” galit na pahayag ni Marcos. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)