SA GITNA ng paglaganap ng COVID-19 sa buong mundo, ang mahigpit na pananatili sa mga tahanan upang makaiwas sa sakit ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng buhay-online at pagkakaroon ng internet access ng bawat Filipino, saad ni Sen. Grace Poe
Magsasagawa ang Senate Committee on Public Services, na pinamumunuan ni Poe, ng isang online hearing sa Miyerkoles, 1 Hulyo 2020, 1:30 pm, hinggil sa estado ng konektibidad sa bansa na may epekto sa lahat ng sektor, at ang pagsisikap ng gobyerno at pribadong sektor na gawing para sa lahat ang internet.
“Malaki ang problema natin sa konektibidad sa gitna ng ating pagkukumahog na maging online,” sabi ni Poe.
Inaasahang dadalo sa pagdinig ang mga opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC), iba pang ahensiya ng gobyerno, mga major telco, internet provider at apektadong sektor.
“Kailangan nating humabol at kumilos nang agaran upang mabigyan ang ating mga kababayan ng mabilis at maaasahang internet,” aniya.
“Nakita natin kung paanong ang internet access ay naihanay katapat ng ating mga pangunahing pangangailangan at naging instrumento sa pagliligtas ng maraming buhay sa pandemya,” diin ni Poe.
Ayon sa senadora, dapat pangunahan ng gobyerno ang pagtitiyak ng pamumuhunan sa mga kinakailangang impraestruktura para magkaroon ng kompetisyon, at mapababa ang presyo at mapabilis ang serbisyo ng mga telco.
Tatalakayin sa pagdinig ng komite ni Poe ang Senate Resolution 435 at Senate Bill 471 ukol sa konektibidad ng bansa.
“Walang dapat maiwang offline sa gitna ng pandemya,” diin ni Poe.
Naunang inihain ng senadora ang Senate Resolution 456 na humihimok sa Ehekutibo na magbigay ng internet allowance sa mga guro sa pampublikong paaralan sa gitna ng online classes ngayong pasukan.
(NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)