ARESTADO ang walong hinihinalang notoryus na drug pushers kabilang ang apat na bigtime tulak na itinuturing na high value target (HVT) drug personality makaraang masakote ng mga operatiba ng Candaba Police Anti-illegal Drugs Enforcement Unit, sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency-3 (PDEA-3) matapos ang sunod-sunod nilang inilatag na buy bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng Candaba, sa lalawigan ng Pampanga.
Nabatid, sa isinumiteng ulat ni P/Lt. Col. Santos Mera Jr., hepe ng Candaba Police, sa tanggapan ni PRO-3 Director P/BGen. Rhodel Sermonia, kinilala nina P/Capt. Michael Rey Bernardo, P/Cpl. John Turqueza, at P/Msg. Boss Due, ang apat na bigtime drug pusher na sina Jeff John Yambao, 47, nasamsaman ng isang sachet ng hinihinalang shabu at isang 9mm pistol berette, at magasin na may tatlong bala sa loob ng kaniyang Toyota Fortuner, may plakang ZHK 493; Christian Venzon, 27; Roland Sta. Maria, nakompiskahan ng 15 sachet ng hinihinalang shabu, dalawang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana, dalawang P500-bill marked money at isang Toyota Vios, may plakang ZAL 477.
Kasama rin sa mga nadakip ang mga hinihinalang tulak na sina Arnel Gamboa, Cedrick Monte, Felipe Belen, at Melencio Gabriel, pawang mga taga-Candaba, sa lalawigan ng Pampanga.
Ayon kay P/Lt. Col. Mera, Jr., nasa kustodiya ng Pampanga Provincial Jail ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Sections 5 and 11 ng RA 9165 makaraang masakote nina P/Cpl. Chis Carlo Celso, P/Cpl. Jefferson Pablo at P/Ssg. Joseph Pelayo, matapos ang inilatag nilang anti-illegal drug buy bust operation sa naturang bayan.
(LEONY AREVALO)