Monday , December 23 2024

Maraming pumigil sa pagdinig sa ABS-CBN franchise pero… Totoo dapat ilabas — Poe

“KAILANGANG malaman natin ang katotohanan at kailangan marinig ito ng taong bayan.”

Ito ang sinabi ni Sen. Grace Poe sa pagdinig ng committee on public services tungkol sa pran­kisa ng iba’t ibang broadcast network, kasama ang ABS CBN.

“Binibigyang diin natin, ang pagdinig na ito ay parte ng kapang­yarihan ng Senado batay sa nakasaad sa ating Konstitusyon na hindi taliwas sa mga naging desisyon ng Korte Suprema patungkol sa hurisdiksiyon sa pagdinig ng mga prankisa at sabayang pagtalakay ng mga isyu,” ani Poe.

“Bagama’t mas madalas nagmumula ang franchise bills sa Kongre­so or sa House, hindi na rin bago na magkaroon ng sabayang pagdinig para sa mabilisang lehislasyon lalo ang mga prayoridad ng presidente tulad ng budget at TRAIN law,” pagdidiin ni Poe.

Tiwala si Poe sa kapangyarihan ng Senado na dinggin ang mga resolusyong inihain ukol sa ABS-CBN.

”Maraming gustong pumigil sa pagdinig na ito o kinukuwestiyon ang pagdinig na ito, pero naninindigan ang Senado sa kapangyarihan nito bilang kapantay na sangay ng gobyerno sa isang republika at demo­krasya.

Kailangan nating panatilihin ang balance at separation of powers,” pahayag ni Poe.

Inisa-isa ni Poe ang napakaraming prankisa na nabigyan ng pro­visional authority ng NTC noon pagkatapos mapa­so.

Giit ni Justice Secretary Menardo Guevarra, paiiralin ng NTC ang “equity” tulad ng ginawa sa mga naka­ra­ang prankisa.

Giit ni Poe, walang probisyon sa batas patungkol sa pagbibigay ng provisional authority ng NTC para sa mga nasa proseso ng renewal ng prankisa kung kaya’t dapat pairalin umano ang “equity” na ikabubuti ng nakararami.

ni CYNTHIA MARTIN

ABS-CBN FRANCHISE
PAG-UUSAPAN NA
SA KAMARA

TATALAKAYIN na sa Committee on Legislative Franchise ang prankisa ng ABS-CBN.

Ayon kay Chairman Franz Alvarez ng komite, kailangan nang mag­sumite ang mga stake­holders ng kanilang mga posisyon patungkol sa prankisa.

“Pagkatapos po ng konsultasyon ko kay Speaker Cayetano at iba pang miyembro ng lide­rato, napag­kasunduan po naming umpisahan na ngayong araw ang proceedings,” ani Alvarez sa panayam.

“Witnesses and resource persons will be summoned after all position papers have been carefully studied and all issues have been threshed out at the Committee level,” paliwanag niya.

Nangako si Alvarez na pag-aaralan ng kan­yang komite ang lahat ng posisyon.

“We assure the public that the Committee will take into consideration all the position papers officially submitted to the Committee and study them even during session break,” ayon sa vice chair ng komite na si Antonio “Tonypet” Albano.

Matagal nang ‘inu­puan’ ng komite ni Alvarez ang prankisa ng dambuhalang telebisyon.

Sa press release ng opisina ni Speaker Cayetano, sinabi nito na makikipag-usap sila sa National Telecom­mu­nications Commission (NTC) at sa Department of Justice (DOJ) kung ano ang legal opinion ng ahensiya sa isyu kung papayagang magpatuloy ng operasyon ang ABS CBN kapag napaso ang lisensiya nito.

“May mga precedent na rin kasi ang ganitong sitwasyon na hinayaan ng NTC na magpatuloy ‘yung operations ng network – tulad na lang ng GMA, Radyo Veritas, at PT&T – habang nasa hearing ‘yung expired franchise nila,” ani Alvarez.

Kaugnay nito, tatlong prankisa ang inaprobahan ng komite kahapon. Ito ang Bayan Telecommu­nications Inc., Tandag Electric and Telephone Company, Inc., at ang Caceres Broadcasting Corporation.

(GERRY BALDO)

TOLENTINO NAGBABALA
SA POSIBLENG MALABAG
NG SENADO SA PAGDINIG
NG ABS-CBN FRANCHISE

NAGBABALA si Sena­dor Francis Tolentino na posibleng may malabag na batas ang senado sa isinagawang pagdinig sa prankisa ng ABS CBN na nakatakdang mapaso sa 30 Marso 2020.

Sa naturang pagdinig, sinabi ni Tolentino, nangangamba siya sa posibleng paglabag sa subjudice rule kung hindi maaaring talakayin ng senado ang merito ng isang nakabinbing kaso.

Ayon kay Tolentino, nakasalang ang quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema kaugnay sa prankisa ng ABS CBN.

Sinabi ni Tolentino, imbes public hearing mas makabubuti na magsa­gawa muna ng close door meeting ang senado hinggil dito.

Ngunit agad dume­pensa si Senador Sonny Angara na maaari ani­yang pag-aralan ng senado ang isyung kinaha­harap ng ABS CBN kahit may nakabinbin na kaso sa Supreme Court.

Inihalimbawa ni Angara ang budget at tax bills na kahit wala pa sa kamay ng senado mula sa kamara ay binubusisi na nila na maaari rin aniyang gawin sa isyu ng pran­kisa.

Sa panig ni dating justice secretary na ngayon ay si Senate Minority Leader Franklin Drilon, sinabi niyang nagdesisyon ang Supreme Court, 25 taon na ang nakalilipas na nagsa­sabing hindi nakasaad sa Konstitusyon na hindi maaaring talakayin ng senado ang isang panu­kalang batas kung nasa kamay ng Mababang Kapulunagan ng kongre­so.

Kaugnay nito, nag­lunsad ng kilos protesta ang ilang grupo na sumusuporta sa prankisa ng estasyon.

 (NIÑO ACLAN)

Hirit ng Palasyo
BONG GO NAGLABAS
NG SAMA NG LOOB
KONTRA ABS-CBN

TAHASANG sinabi ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na ‘bias’ ang kompanyang ABS CBN kung kaya’t hindi masisi kung bakit ganoon ang nararam­damang galit o sama ng loob ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.

Ang pahayag ay ginawa ni Go sa pagdinig ng Senate committee on public services na pina­mumunuan ni Senadora Grace Poe na dumidinig sa prankisa ng naturang estasyon.

Tinukoy ni Go, nagsimula ang sama ng loob ng Pangulo noong hindi naisahimpapwid ng estasyon ang political ads noong huling presidential campaign hanggang sumapit ang eleksiyon.

Iginiit ni Go, kung hindi ito naisahimpapwid dapat ay naging naging parehas sila sa pagtrato sa iba pang mga kandi­dato o nagpapa-ads.

Ibinunyag ni Go, hindi na nga isina­him­papawid ang political ads ng Pangulo ay naglabas pa ng ibang ads na naninira o negatibong bagay laban sa noo’y kandidato sa pagka­pangulo na si Duterte.

Kaugnay nito, inamin ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, maging siya ay naging biktima ng ABS CBN dahil hindi rin naisa­himpapawid ang kanyang political ads kahit bayad na kung kaya’t sa huli ay ibinalik sa kanya ang kanilang ibinayad.

Samantala, hindi nakadalo si Solicitor General Jose Calida sa pagdinig ng senado na naunang naghain ng petisyon sa Korte Suprema ukol sa Quo Warranto Petition laban sa naturang estasyon.

(CYNTHIA MARTIN)

PALASYO ‘NAGLUWAG’
SA PAUMANHIN
NG ABS-CBN

NAGALAK ang Mala­cañang sa paghingi ng paumanhin ng ABS-CBN sa hindi pag-ere ng political ads ni Pangu­long Rodrigo Duterte noong 2016 presidential elections.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, noon pa dapat ginawa ito ng ABS-CBN.

“I’m glad, finally, ABS-CBN has admitted its shortcomings to the President. Dapat noon pa nila ‘yun ginawa,” ani Panelo sa press briefing sa Palasyo kahapon.

Hindi masagot ni Panelo kung tatanggapin ng Pangulo ang apology ng ABS-CBN.

“Nasa kay Presidente ‘yun. Matagal na nang­yari ‘yun. Kumbaga, kung (hindi) nag-alboroto saka lang hihingi ng pau­manhin. It’s a personal decision,”dagdag niya.

 (ROSE NOVENARIO)

About Cynthia Martin

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *