DUDA si Senadora Risa Hontiveros Chair ng Senate Committee on Women & Children Family Relations and Gender Equality sa naging sagot ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa pagdinig ng senado ukol sa laganap na prostitusyon sangkot ang mga Chinese national.
Sa naturang pagdinig, itinanggi ni BI Port Operations Division head Grifton Medina na alam niya ang ibinulgar ni Hontiveros na ‘Pastillas operation’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ipinakita ni Hontiveros ang isang video na hiwalay na ipinoproseso ng immigration officials sa NAIA ang pagpasok ng mga Chinese national.
Ipinapakita rin sa video na ini-escort ng immigration officials ang pagpasok ng mga Chinese national na tila VIP ang dating kapalit ng pera; at ang screen shot ng viber group’s chat na nakasulat ang mga pangalan at larawan ng mga Chinese national na bibigyan ng VIP treatment kasama ang kanilang flight details.
Inamin ni Medina, kilala niya ang naturang lalaki sa video ngunit iginiit ng opisyal na hindi niya alam na may ‘Pastillas operation’ sa paliparan na pinalulusot ang mga Chinese national sa immigration kapalit ng P10,000 kada ulo.
Matapos ang imbestigasyon, sinabi sa panayam ni Hontiveros ang kanyang pagdududa sa mga naging pahayag ni Medina at ng ilang opisyal ng immigration na wala silang kinalaman sa ilegal na operasyon kapalit ng pagpapalusot ng mga Chinese national sa ilalim ng “visa upon arrival” scheme ngunit kalaunan umano ay nasasangkot na sa prostitusyon at ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs).
(CYNTHIA MARTIN)