LUMAPAG sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 ang Philippine Airlines (PAL) special flight mula Manila-Xiamen-Manila, Airbus 321 na may 199 seating capacity dakong 1:16 pm nitong Lunes, 10 Pebrero na may lulang 124 pasahero kabilang ang 51 Chinese national na may hawak na permanent visa.
Ayon kay Cielo Villaluna, tagapagsalita ng PAL, lulan ng special flight PR 335 mula Xiamen, China ang anim na cabin crew at dalawang piloto na may dalang 73 stranded na overseas Filipino workers sa Xiamen at 51 Chinese national na may permanent visa kasama ang limang bata.
Dagdag ni Villaluna, may sakay ang special flight mula Maynila patungong Xiamen nang umalis sila sa NAIA.
Nabinbin ang may 124 pasaherong kinabibilangan ng 73 OFWs sa Xiamen dahil naabutan ng travel ban na inilabas ng Malacañang bilang tugon sa pagkalat ng 2019 novel coronavirus – acute respiratory disease (nC0V ARD).
Nang lumapag sa NAIA, agad tumungo ang Airbus 321 sa remote parking kung saan naghihintay ang apat na PAL co-bus na nagdala sa kanila sa bus gate ng terminal 2 at sumailalim sa quarantine at immigration procedures.
Gumamit ang mga quarantine doctor at nurses ng ilang portable thermal scanners upang matiyak na walang nilalagnat sa mga pasahero bago sila pinayagang makaalis ng terminal.
Umalis ang special flight sa NAIA dakong 7:37 am noong Lunes, 10 Pebrero, at dumating sa Xiamen dakong 9:45 am saka umalis sa Xiamen dakong 11:05 am at lumapag sa NAIA dakong 1:16 pm.
Ayon kay Villaluna, ang special flight ay bahagi ng serbisyo publiko ng PAL para sa mga banyaga at lokal na mga pasahero.
Samantala, inianunsiyo ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na sumasailalim sa home quarantine bilang “preventive measure” laban sa pagkalat ng nC0V ARD ang 19 immigration officers na sumakay sa mga eroplanong may lulang mga pasaherong may travel history mula China at Special Administrative Regions.
Sa kanilang pahayag sa media, sinabi ni Morente na sumakay ang 19 IOs sa limang magkakaibang cruise ships na may sakay na mga pasaherong bumisita sa China, Hong Kong, at Macau sa huling 14 araw, at dumating mula Enero hanggang Pebrero.
Pahayag ni Morente, ”The 19 immigration officers did not exhibit any symptoms of the virus, and neither did the passengers that they inspected. They were assessed by competent personnel of the Bureau of Quarantine, who were part of the boarding teams that inspect arriving ships. We are doing this as a preventive measure, to ensure that our officers are protected from the virus.”
Inilinaw at idiniin ni Morente sa mga tauhan ng BI na walang dapat ipangamba dahil ginawa nila ang lahat para maseguro ang kaligtasan ng lahat.
(JSY)