NAGSIMULA nang magpauwi ng overseas Filipino workers (OFWs) ang Department of Foreign Affairs (DFA) na pinangunahan ng 13 Pinoy na dumating sa bansa kaugnay ng matinding tensiyon sa Iran at Iraq.
Inihayag ng DFA, dakong 4:00 pm kahapon dumating ang 13 Pinoy sa pamamagitan ng embahada ng Filipinas sa Iraq. Sila ay kinabibilangan ng dalawang grupo ng Pinoy workers mula sa Baghdad at Erbil na tinulungang makauwi sa bansa.
Sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA), unang dumating ang siyam na Pinoy kabilang ang dalawang menor de edad, sakay ng Qatar Airways flight QR 932 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Ang unang grupo ay mula sa Baghdad na dapat ay nitong Martes nakauwi ng Filipinas pero pinigilan ng Iraqi immigration fficials sa Baghdad International Airport, dahil sa paratang na pandaraya umano sa kanilang visa.
Habang ang apat na matatanda ay mula sa Erbil, ang siyudad na matatagpuan sa Norte ng Baghdad na kabilang sa ikalawang grupo na darating sa Filipinas.
Nabatid, ang dalawang grupo ay daraan sa Doha, Qatar bago makarating sa Maynila.
Inianunsiyo ni DFA Secretary Teodoro Locsin, Jr., na gagawin nila ang lahat para sa ibibigay na ayuda sa mga Pinoy na apektado roon.
Sinabi niya, nag-deploy ang DFA ng Rapid Response Teams sa Middle East, partikular sa Iraq at Iran para tumulong sa pagpoproseso sa repatriation ng mga Pinoy sa nabanggit na bansa.
“The repatriates arriving today comprise the first batch of Filipinos coming home after the government ordered mandatory repatriation,” ani DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola.
Nitong 8 Enero ay itinaas sa alert level 4 ng Embahada ng Filipinas sa Baghdad, Iraq kasunod ng tumitinding tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon sa DFA ang alert Level 4 ay nangangahulugan ng pagpapalikas o sapilitang pagpapauwi sa Filipinas ng OFWs.
Nakipag-ugnayan ang Migrant Workers Affairs para tulungang pauwiin ang distressed na mga Pinoy sa abroad.
“More Filipinos from affected areas are expected to come home in the coming weeks,” ani Arriola. (JAJA GARCIA)