NAHULI na rin ng mga operatiba ng Pasay City Police sa ikinasang follow-up operation ang tinaguriang no. 1 most wanted sa lungsod dahil sa pagpaslang sa kanyang nobya noong taon 2011.
Kinilala ni Pasay City Police chief P/Col. Bernard Yang, ang inarestong suspek na si Kristoffer Von Moraleja, 27, binata, jobless ng Sarrial St., Barangay 95 Zone 11, Pasay City.
Ayon kay P/Col. Yang, nahuli si Moraleja nitong Miyerkoles dakong 11:00 pm sa Barangay Alibungbungan, Nagcarlan, Laguna nang magsagawa ng follow-up operation ang kanyang mga tauhan.
Sa ulat ni P/Lt. Allan Valdez, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police, nakatanggap sila ng impormasyon sa pinagtataguan ng suspek sa nasabing lugar.
Bumuo ng team si Valdez at nagsagawa ng follow-up operation para mahuli ang suspek na matagal nang wanted dahil sa kasong murder sa pagpatay sa nobyang si Mizzille Jamyka Cruz Gutierrez, noong 1 Pebrero 2011.
Nakipagtulungan ang Nagcarlan, Laguna Police Station sa Pasay City Police para masakote si Moraleja sa pinagtataguan nito sa nasabing lalawigan.
May nakabinbing warrant of arrest sa kasong Murder ang suspek sa ilalim ng Criminal Case No. R-PSY-11-03639-CR, na ipinalabas ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Tingaraan Guiling ng Branch 109.
Nang mahuli si Moraleja, agad dinala ng Nagcarlan Municipal Police Station sa Pasay City Police ang suspek.
Ibabalik ng Warrant & Subpoena Section ng Pasay CPS ang Alias Warrant of Arrest sa RTC Branch 109 para mailabas ang Commitment Order sa akusadong si Moraleja para ilipat sa Pasay City Jail.
Walang ibinigay na pahayag ang suspek kaugnay sa ginawa niyang pagpatay sa nobya.
“Sa korte na lamang po ako magsasalita,” aniya.
Napag-alaman na si Morajela ay halos siyam na taon nagtago sa kanilang probinsiya. (j. GARCIA)