PATAY ang dalawang babaeng overseas Filipino workers (OFW) habang apat na iba pa ang sugatan nang masagasaan ng isang kotse sa katabing kalsada ng Lucky Plaza mall sa Singapore kahapon ng hapon, 29 Disyembre.
Kinompirma ni Minister and Consul General Adrian Candolada ng Philippine Embassy sa Singapore na pawang mga Filipina ang mga biktima sa nasabing freak accident.
Dinala ang anim na biktimang OFW sa Tan Tock Seng Hospital kung saan binawian ng buhay ang dalawa.
Nanatili ang dalawa sa mga sugatan sa intensive care unit (ICU) ng pagamutan habang nasa ligtas nang kondisyon ang dalawang iba pa.
Sa panayam ng Strait Times sa ilang nakasaksi, bumangga ang kotse sa bakal na railings at dumeretso sa maliit na kalsada sa gilid ng mall na nagging sanhi ng pagkakasagasa sa ilang kataong naroon.
Kilala ang Lucky Plaza mall bilang tambayan ng mga dayuhang manggagawa partikular ng mga Filipino.
Ayon sa pulisya, itinawag sa kanila dakong 4:58 pm ang insidenteng sangkot ang isang kotse at anim na babaeng pedestrian na may edad 29 hanggang 43 anyos, sa Orchard Road.
Ayon sa mga nakasaksing OFW na nasa salusalo sa kabilang bahagi ng kalsada, mayroon din nagaganap na picnic sa tabi ng railing nang mabangga ito ng kotse.
Naipit sa ilalim ng sasakyan ang isa sa mga biktima at kinailangang iangat ng mga tumulong ang kotse upang mailigtas ang biktima.
Samantala, arestado ang 64-anyos driver ng kotse dahil sa ‘dangerous driving causing death’ habang patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na malagim na insidente.
Kinalap ni KARLA OROZCO