PATAY ang isang notoryus na tulak sa enkuwentrong naganap sa pagitan ng pulisya sa Bgy. Guyong, sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan kahapon, 5 Nobyembre.
Kinilala ni P/Col. Chito Bersaluna, Bulacan police director, ang napatay na drug suspect na si Allen Omila, 42 anyos, may asawa, at residente sa Seminary Road, Bgy. Bahay Toro, lungsod Quezon.
Sa ulat mula sa Sta. Maria Municipal Police Station (MPS), nabatid na nagkaroon ng drug deal si Omila sa isang undercover agent sa Bgy. Guyong, sa naturang bayan dakong 3:00 am kahapon.
Nakatunog ang suspek sa presensiya ng mga tauhan ng Sta. Maria MPS Drug Enforcement Unit (DEU) kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis na napilitang gumanti na ikinamatay ni Omila.
Nabatid, ang napatay na suspek ang notoryus na tulak sa Bgy. Guyong at kabilang sa drug watchlist ng Santa Maria MPS.
Narekober sa lugar ng insidente ang 12 heat-sealed plastic sachet ng shabu; isang kalibre .45 Colt pistol, mga bala, at buy bust money.
Kaugnay nito, 11 pang drug suspects ang magkakasunod na naaresto sa mga serye ng anti-illegal drug raids na isinagawa ng San Rafael, San Jose del Monte City, Sta. Maria, Marilao at Bulakan police stations hanggang kahapon, 5 Nobyembre. Dinala ang mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Crime Laboratory para sa kaukulang pagsusuri habang ang mga suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Acts of 2002.
(MICKA BAUTISTA)