KALABOSO ang kinabagsakan ng 12 hinihinalang notoryus na drug pushers na sinasabing high value target (HVT) drug personalities sa talaan ng pulisya, nang masakote ng mga operatiba ng Candaba Police Anti-Illegal Drugs Enforcement Unit, sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency – 3 (PDEA3), sa serye ng buy bust operations sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng Candaba, lalawigan ng Pampanga.
Nabatid sa isinumiteng ulat ni P/Lt. Col. Arjun Buclaras Luig, hepe ng Candaba Police, sa tanggapan ng bagong PRO-3 Director na si P/BGen. Rhodel Orden Sermonia, kabilang sa mga nasakote nina P/Lt. Romel Basco at P/SSgt. Fernando Gacusana, Jr., ang magkapatid na tulak na sina Albert at Gilbert Medina ng Bgy. Mapaniqui; magkasintahang sina Michael Pangilinan at Karen Arcilla ng Bgy. Vizal Sto. Cristo; dating sundalong si Jovito Solima ng Bgy. Salapungan; Michael Galang ng Bgy. Mapaniqui; Emmanuel Sagum, alyas Manny; Hanza Lazada; Andy de Guzman; Dinisio David; Louie Tubig; at Michael Vinuya.
Nakompiska rin sa dating sundalong si Solima ang isang kalibre .38 baril na may limang bala, at pitong small heat-sealed plastic sachet ng shabu.
Ayon kay P/Lt. Col. Luig, ‘humihimas na ng malamig na rehas’ ang mga arestadong suspek sa Pampanga Provincial Jail na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165.
(LEONY AREVALO)