ARESTADO sa mga operatiba ng San Simon Police Anti-Drugs Special Operation Unit ang isang guwardiya at limang lalaking hinihinalang kilabot na tulak ng ipinagbabawal na gamot na pawang nasa listahan ng most wanted drug personalities sa bayan ng San Simon, lalawigan ng Pampanga, makaraang isagawa ang anti-drug buy bust operations sa magkakahiwalay ng lugar sa naturang bayan.
Base sa ulat ni P/Maj. Freddie Herry, hepe ng San Simon Police, sa tangapan ni P/Col. Jean Fajardo, Pampanga Police Provincial Director, matagal nang minamanmanan nina P/Cpl. Jan Aaron Abrenica at P/SSgt. JayR Dela Cruz ang mga suspek na kinilalang sina Rusty Sison Tayag, 39 anyos, security guard, ng Bgy. San Pedro Cutud, lungsod ng San Fernando, Pampanga, na nahulihan ng isang kalibre .22 baril, walong bala, at apat na pirasong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Samantala, nasakote din nina P/Cpl. Darwin Parayno, P/Cpl. Albert Angeles, P/SSgt. Edilberto Aquino, at Pat. Jessa Cabalic ang limang hinihinalang mga tulak na pawang nasa listahan ng drug personalities ng pulisya na sina Ruel Minor Amiano ng Bgy. San Simon; Benzon Jake Dumanos ng San Fernando; Ian Serrano Bie ng San Agustin; Ferrylyn Serrano ng San Pedro Cutud; at Rogelio Falautila ng Pasay City, matapos ang ikinasang anti-illegal drugs operation.
Ayon kay Herry, nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act, at kasong RA 1059 o Illegal Possession of Firearm and Ammunition ang mga suspek.
(LEONY AREVALO)