Saturday , November 16 2024
NATAGPUAN sa lorry container ang bangkay ng 39 katao kabilang ang isang teenager sa Thurrock, Essex, UK.

39 bangkay natagpuan sa loob ng lorry container sa Thurrock, Essex, UK

NATAGPUAN ng mga pulis sa Essex, sa timog silangang England ang bangkay ng 39 katao kabilang ang isang teenager sa loob ng isang container truck na pinaniniwalaang nagmula sa bansang Bulgaria.

Agad tinawag ng rescue team ang pulisya matapos matagpuan ang nasabing truck sa Waterglade Industrial Park na matatagpuan sa Grays dakong 1:40 am, kahapon 23 Oktubre.

Inaresto ang 25-anyos driver ng naturang lorry na napag-alamang mula sa northern Ireland dahil sa alegasyon ng pamamaslang.

Pinaniniwalaang nagmula sa bansang Bulgaria ang sasakyan kinalulunanan ng mga bangkay at nakapasok sa United Kingdom sa pamamagitan ng pagdaan sa Holyhead sa hilagang Wales noong Sabado.

Ayon kay Chief Superintendent Andrew Mariner, kahapon Miyerkoles, 23 Oktubre, kasalukuyang tinutukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga namatay na 39 katao kabilang ang isang teenager na inaasahang daraan sa napakahabang proseso.

Umaapela ang pulisya na makipag-ugnayan sa kanila ang sinumang may alam na impormasyon tungkol sa insidente.

Nilagyan na ng kordon ang paligid ng lugar at nananatiling sarado ang Waterglade Industrial Park.

Sinabi ni Deputy Chief Pippa Mills, isa sa pinakamalungkot na araw sa Essex ang trahedyang ito.

Itinalaga rin ang mga operatiba ng National Crime Agency upang tumulong sa Essex police sa pag-iimbestiga, at nakitang papunta ang tatlong emergency support vehicles ng Red Cross sa pinangyarihan.

Nagpadala rin ng limang ambulansiya, hazardous area response team, at isang kotse ang East England Ambulance Service upang magresponde sa tawag bandang madaling araw ng Martes.

Sabi ng kanilang tagapagsalita, patay na ang 39 kataong sakay ng lorry nang kanilang abutan na pinaniniwalaang binawian ng buhay dahil sa supokasyon, gutom at pagod.

Ang Waterglade Industrial Park ang kinaroroonan ng mga courier at logistics company na daraanan ng Dartford Crossing, ang daang nagdudugtong sa Essex at sa Kent.

Ayon sa impormasyon, itinuturing na ‘unorthodox route’ ang biyaheng Bulgaria patungong UK kung daraan sa Holyhead at naunang inakalang nagmula sa Dublin, Ireland ang lorry.

May mga nagsasabing mas pinahigpit ang seguridad sa mga lugar gaya ng Dover at Calais, kaya mas madaling makapasok sa bansa kung daraan sa Cherbourg o Roscoff, patungo sa Rosslare hanggang sa Dublin.

Bagaman maluwag ang seguridad sa rutang ito, mas mahaba ang daraanan nito at magdaragdag ng isang araw sa kabuuang oras ng biyahe.

Ayon kay Irish premier Leo Varadkar, magsasagawa sila ng kaukulang pagsisiyasat kung mapatutunayang dumaan ng Ireland ang lorry.

Sinabi rin ng Bulgarian foreign affairs ministry na wala silang alam tungkol sa insidente bago lumabas ito sa mga balita sa UK ngunit kasalukuya nang nakikipag-ugnayan ang kanilang embahada sa lokal na mga awtoridad hinggil dito.

Sa tweet ni Prime Minister Boris Johnson, “I’m appalled by this tragic incident in Essex. I am receiving regular updates and the Home Office will work closely with Essex Police as we establish exactly what has happened. My thoughts are with all those who lost their lives & their loved ones.”

Ikinagulat at ikinalungkot din ni Home Secretary Priti Patel ang balita tungkol sa insidente, at hinihiling na bigyang pagkakataon ang mga awtoridad na imbestigahan ito.

Miyembro ng parliamento si Patel para sa Witham na matatagpuan sa Essex.

Sinabi ni Steve Valdez-Symons, refugee at migrant rights director sa Amnesty International UK na nakadudurog ng puso at nakapanghihilakbot ang nangyaring ito.

(Halaw na ulat ni Karla Lorena Orozco, may dagdag na detalye mula kay Anne Marie Luna)

About Karla Lorena Orozco

Check Also

Robin Padilla West Philippine Sea WPS

Para sa impormasyon tungkol sa West Philippine Sea
SEN. ROBIN, PCG GAGAWA NG PELIKULANG ANTI-FAKE NEWS

MAY pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa …

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *