HINDI kailangan gumasta nang malaki sa crop production dahil sa rami ng raw materials na ginagamit sa paggawa ng organic fertilizer, ayon kay Gonzalo Catan, Jr., executive vice president ng Green Charcoal Philippines, Inc. (GCPI).
Aniya, ang organic fertilizer ay crop at environment-friendly na maituturing na kompletong pagkain para sa mga halaman bukod sa pagdudulot nito ng sustansiya sa lupang tinataniman ng mga halaman.
Samantala, kabaliktaran ang dulot ng chemical fertilizer dahil ginagawa nitong acidic ang lupa na nakapagpapabansot sa mga pananim. Bukod sa malaking agwat ng presyo nito sa organic na pataba na higit na mas mababa ang presyo.
Sa kagubatan ng Filipinas at sa mga bukirn matatagpuan at makukuha ang raw materials gaya ng pinagbalatan ng puno, dahon, corn husks, dumi ng bulate, soy beans, at talbos ng tubo. Makukuha rin ang ibang raw materials gaya ng putik sa mga lawa at ilog.
Bunga ng masusing pananaliksik sa teknolohiya ang paggawa ng organic fertilizer na ang farm wastes ay maaaring gawing pataba gamit ang Green Charcoal technology na nagbibigay ng karagdagang hanapbuhay sa mga magbubukid.
Higit na mura ang produksiyon ng organic fertilizer dahil ang raw materials na kailangan dito ay nagmumula rin mismo sa kabukiran. Wala rin napababalitang masamang dulot sa kalikasan at sa kalusugan ng mga tao at hayop ang paggamit ng organic fertilizer.
Maituturing na malaki ang kahalagahan ng organic fertilizer sa gitna ng laganap na krisis sa pagkain na nararanasan ng buong mundo kasama ng bansa. (GERRY CONSTANTINO)