SA GITNA ng patuloy na operasyon ng extremist groups sa Mindanao, kinuwestiyon ni Deputy Speaker at Surigao del Sur 2nd district Rep. Johnny Pimentel ang mataas na intelligence funds ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na balak dagdagan sa darating na taon.
“We have to face the fact that Islamic militants have chosen our country as one of their targets and that is why we hold the military responsible for these tragic events,” ani Pimentel.
Aniya, binigyan ng Kongreso ang AFP ng mataas na intelligence funds para makapangalap ng impormasyon sa mga terroristang grupo na umatake sa pamamagitan ng isang suicide bomber sa Barangay Kajatian, Indanan, Sulu noong 8 Setyembre 2018.
“We have provided hundreds of millions of pesos for their (AFP) intelligence funds to gather information regarding terrorist groups and their plans. E saan napunta tong intel funds? How come this is happening?” tanong ni Pimentel.
Pinag-uusapan ngayon sa Kamara ang panukalang budget para sa 2020 na nagkakahalaga ng P4.1 trilyon.
Mas mataas ito kaysa kasalukuyang taon na nagkaroon ng P3.757 trilyon.
Ang operasyon ng mga terorista sa bansa ay lumaki noong umatake ang Maute Group na kaalyadon ng ISIS sa Marawi City noong Mayo 2017.
Ayon sa mga taga-Marawi, hindi sana nangyari ang malagim na bombahan sa kanilang bayan kung ginawa ng mga awtoridad partikular ang “intelligence community” ang kanilang trabaho.
Sa darating na taon, humingi ang AFP ng P1.7 bilyon at ang Philippine National Police (PNP) ng P806 milyon para sa kanilang intelligence funds.
Ayon kay Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman, nakalulungkot ang mga pagbomba sa Mindanao.
“Ikinalulungkot ko na nangyari ito sa panahon na tayo ay nagtatrabaho lahat para sa kapayapaan at sa pagsulong ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Sadya sigurong marami pang mga elementong gustong sirain ang ating magandang simula. Sila ay mga kalaban ng kapayapaan at magtulungan po tayo upang sila ay pigilan,” ani Hataman.
“Although there were no other fatalities in the attack other than the bomber, it nevertheless put many lives in danger… I also call on the government to act on this swiftly and with decisive efficiency,” dagdag ni Hataman.
(GERRY BALDO)