BUMAGSAK sa kulungan ang isang Kuwaiti national
na naghangad ng ‘ligaya’ nang ilabas ang kanyang ari at nilaro sa harap ng isang babaeng make-up artist sa isang hotel room sa Makati City, nitong Lunes ng hapon.
Nasa custodial facility ng Makati City Police at nahaharap sa kasong unjust vexation ang suspek na si Alenezi Saleh, Kuwaiti national, pansamantalang nanunuluyan sa Room 1726, Ascott Hotel, Ayala Center, Barangay San Lorenzo sa nasabing lungsod.
Ang biktima ay kinilala sa pangalang Joy, 22 anyos, isang make-up artist.
Batay sa ulat, dakong 5:30 pm nang maganap ang insidente sa loob ng Room 1726 sa naturang hotel.
Nauna rito, kinuha ng dayuhan ang serbisyo ng biktima upang lagyan siya ng make-up.
Pero sa kalagitnaan ng pagtatrabaho ng biktima, bigla umanong naglabas ng ari ang suspek at nilaro ito kasabay ng paghiling ng dayuhan sa biktima na imasahe siya nito.
Agad humingi ng tulong ang biktima sa mga guwardiya ng hotel saka ipinahuli ang dayuhang suspek.
Ang kaso ay iniimbestigahan ng Women and Children’s Protection Desk. (JAJA GARCIA)