BUKOD sa pagpunta sa Rizal Park, o Luneta, ang pinakamurang paraan ng pamamasyal at mapalapit sa kalikasan ay pagdalaw sa Manila Zoo sa panulukan ng Quirino Avenue at Adriatico Street sa Malate, Maynila.
Ngunit kamakailan, may mga planong ilipat ito o ipasara sa maraming dahilan.
Isa na rito ang para sa kapakanan ng mga hayop na naninirahan sa 60-anyos na dating zoological at botanical garden, na ayon sa mga animal expert ay nahihirapan na dahil sa pagkakakulong sa mga hawla, na hindi na isinusunod sa mga modernong zoo.
Ito’y bukod pa sa problema sa polusyon, kabilang ang pagkakadiskubre na ang kanal at daluyan ng mga tubig sa zoo ay hindi napangalagaan nang mabuti sa nakalipas na anim na dekada.
Sa panahon ni Manila mayor Joseph ‘Erap’ Estrada, may mga balitang ipalilipat ang zoo, saka ibebenta ang maiiwan nitong lupain.
Nagbunsod ito ng agam-agam sa mga residente ng Kalakhang Maynila, na sa mahabang panahon ay itinuring ang Manila Zoo bilang pangunahing destinasyon para sa pamamasyal kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan.
Ngunit ngayong may bago nang alkalde sa katauhan ni dating vice mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso bilang punong ehekutibo ng lungsod, sadyang luminaw na ang situwasyon sa pangako na hindi ibebenta ang Manila Zoo at sa halip ay may plano pang ayusin at pagandahin ang pasilidad para sa kapakanan ng mga taga-Maynila at maging ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang lugar na nagpupunta rito.
Sa Kapihan sa Manila Bay media forum, tiniyak ng bagong alkalde sa mga Manilenyo na wala silang dapat pangambahan dahil ang kanyang pamunuan ay nakalaan sa tunay na paglilingkod sa publiko.
Hiniling niya sa mga stakeholder na dumalaw sa kanyang tanggapan para mapag-usapan ang kinabukasan, hindi lamang ng Manila Zoo, kundi maging ng buong siyudad ng Maynila.
“Kailangan ko ng tulong ninyo upang maisaayos ang Manila Zoo (at ang buong lungsod). Panahon na para pagtuunan natin ng pansin na maibalik ang ningning ng Maynila bilang ‘Perlas ng Silangan’ at duyan ng ating bayaning si Raha Soliman, ang huling haring Filipino na ipinaglaban ang ating kalayaan,” idiniin ni Moreno.
Sa ngayon, nananatili ang Manila Zoo na nakasara simula noong Enero ng taong kasalukuyan sanhi ng pagkakadiskubre na isa umano ito sa major pollutant ng Manila Bay.
(TRACY CABRERA)