NANANAWAGAN si Defense secretary Delfin Lorenzana para sa kahinahunan at itigil ang paggatong sa damdamin ng sambayanan sa usapin ng aksidenteng pagbangga at pagpapalubog ng isang Chinese vessel sa isang Filipino fishing boat malapit sa Recto Bank na sinasabing nakapaloob sa exclusive economic zone (EEZ) ng Filipinas sa West Philippine Sea.
Sa Kapihan sa Manila Bay sa Café Adriatico sa Malate, Maynila, inulit ng defense chief na ang pagpapalubog sa F/B Gen-Ver 1 na sinasabing binangga ng Chinese vessel na Yuemaobinyu 42212 ay “simpleng maritime incident” na hindi dapat pinapalaki nang labis.
“Nakatigil ang bangka ng mga mangingisdang Pinoy malapit sa Recto Bank — gaya ng sinasabi ng Maynila at Beijing — nang mabangga ng 42212 ay lumubog ito at iniwan ang 22 tripulante,” ani Lorenzana.
Sa naunang panayam, inihayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol, ‘wala namang reklamo’ ang mga nasagip na mangingisda laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit sa kabila nito’y nagsasagawa ng imbestigasyon para malaman ang katotohanan sa pangyayari.
“I don’t know why the President should be dragged into this issue. In our perspective at the Department of Agriculture, this is just a simple maritime incident which should be handled at our level,” punto ng kalihim.
“I don’t understand why people are blowing this out of proportion,” dagdag ng opisyal.
Binanggit ni Lorenzana, may ilang social post na nagsasabing ang insidente ay isinagawa upang mapaigting ang tension sa pagitan ng Filipinas at China, na isinantabi naman ng kalihim bilang “figment of the imagination.”
“Whether the ramming was intentional or accidental, that is a matter that should be investigated,” pagdidiin ng kalihim. (Tracy Cabrera)