APALIT, Pampanga – Arestado ng Apalit Police Anti-illegal Drugs Enforcement Unit sa pakikipagtulungan ng PDEA ang live-in partners na umano’y notoryus na bigtime drug pusher makaraang kunin ang ibinalik ng bansang Israel na ipinadala nilang package, hinihinalang shabu sa LBC Apalit Branch, kamakalawa ng hapon sa Barangay San Vicente.
Nabatid sa isinumiteng ulat ni P/Lt. Col. Elmer Decena, hepe ng Apalit Police, sa tanggapan ni P/Col. Jean S. Fajardo, Pampanga Provincial Police Director, hindi na nakapalag nang damputin nina, P/SSgt. Enrique Santos, P/SSgt. Marlon Agad at Pat. Dairy Edillo, habang kinukuha ng suspect na si Rogelio Mercado, 42 anyos, alyas Christian Silvestre, Krudo at Ruel ang ibinalik na package ng bansang Israel na may lamang dalawang medium-size heat-sealed transparent plastic na hinihinalang shabu nakalagay sa mahabang puting folder na kanyang ipinadala sa isang Ma. Cristina Lamonte noong April 27, 2019 sa Israel gamit ang pangalang “Christian Silvestre.”
Ilang sandali pa ay nasakote nina P/SSgt. Yael Mae Fenid at P/Cpl. Dennis Navarro ang kanyang live-in na si Rachelle Rosario, 39 anyos, parehong taga-Sitio Sto. Rosario, Barangay Tabuyoc, Apalit, Pampanga.
Ayon kay P/Lt. Col. Decena, matagal nang ginagawa ng mga suspek ang kanilang modus na pagpapadala ng shabu sa bansang Israel, ngunit nagduda ang pamunuan ng LBC nang ibalik ng Israel ang package at ilang araw na hindi kinukuha ng mga suspek kaya agad nilang tinawagan ang mga awtopridad.
Inatasan ni Decena sina P/Maj. Danilo Fernandez at P/Cpl. Marcelino Gamboa na manmanan ang nasabing lugar at ilang sandali pa ay namataan nila ang suspek habang kinukuha ang package.
Agad dinakma ang suspek sa loob ng LBC, saksi sina barangay chairman Nick Gardiner, kagawad Ruben Cortez, Jericho Gaviola ng DOJ at kinatawan ng media.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 and 11, Art 11 of R.A-9165 ang mga suspek matapos masamsaman ang ilang pirasong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
(LEONY AREVALO)