Bangkay na itinanghal ang isang kilabot na tulak ng ilegal na droga matapos manlaban at makipagbarilan sa pulisya sa isang buy-bust operation sa Sta. Maria, Bulacan.
Sa ulat mula kay Supt. Carl Omar Fiel, hepe ng Sta. Maria police, ang napatay na suspek ay kinilalang si Jonathan Genio alias Atan, 30-anyos, residente sa NDR, Brgy. Camachile, Balintawak, Quezon City.
Batay sa ulat, dakong 10:00 pm kamakalawa nang magsagawa ng buy-bust operation ang pulisya laban sa suspek.
Nang mag-positibo sa drug deal at akmang aarestohin ng mga awtoridad ang suspek ay biglang pumalag at bumunot ng baril.
Agad nakaganti ng putok ang police operatives na nagresulta sa kamatayan ng suspek.
Nabatid na si Genio ay bumibiyahe patungong Bulacan mula Quezon City para mag-supply at magbenta ng ilegal na droga sa Sta. Maria.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng enkuwentro ang isang kalibre .38 baril, mga bala, plastic sachet ng shabu, buy-bust money at cellphone na ginagamit ng suspek sa pakikipagtransaksiyon sa mga drug user.
(Micka Bautista)