ANG lakas ng tawa namin doon sa comment na kaya raw nababolang sa takilya ang huling pelikula ni Sharon Cuneta ay dahil may political boycott. Ang itinuturo pa nilang dahilan ay dahil tila dumikit daw si Sharon kay Pangulong Digong, at “hindi iyon nagustuhan ng mga dilaw”. Bakit masasabi ba nilang mga “dilaw” ang nagpasikat kay Sharon?
Hindi naman si Sharon ang dumikit kay Presidente Digong kundi ang kapatid niyang pumapasok ngayon sa politika. At saka bakit, hindi ba dilawan ang kanyang asawang si Senador Kiko Pangilinan?
Para sabihin pang example iyong nangyari kay Aga Muhlach na “binoykot ng dilawan” dahil sa kanyang comment kay Senador Trillanes, hoy tigilan nga ninyo ang ilusyon ninyo. Iyong pelikula ni Aga, may mali sa formula, at maging mga insider ay nagsasabing may mali talaga sila roon. Ayaw na naming sabihin kung sino ang mali. Pero hindi political boycott ang dahilan niyon.
Iyan din namang pelikula ni Sharon, hindi political boycott ang dahilan niyan. Una naming nakita, isipin ninyo, sina Richard Gomez at Sharon na pareho nang 52 years old, pinagawa pa ng love story.
Maling project iyan dahil ang mga love story na gusto ng mga tao ngayon iyong KathNiel, iyong JaDine, iyong LizQuen. Gusto nila iyong mga bata, ayaw niyong mga may mga anak ng teenager tapos lalabas na parang pabebe pa sa isang love story. Aba sa tunay na buhay kung makakakita ng isang taong ganyan na ang edad pabebe pa, baka batukan mo eh. Aminin natin ang mga katotohanang iyan.
Mali rin ang atake nila sa mga pra la la nila. Sa halip na pag-usapan ang merits ng pelikula, aba eh ang pag-usapan ba naman ay kung kailan unang sinagot ni Sharon si Goma noong araw. Wala na sa ayos dahil pareho na silang may mga asawa at anak. Kalimutan na ninyo iyong nakaraan. Nakaraan na nga iyon eh. Ewan kung bakit iyon pa ang kailangang balik-balikan. Baka nga roon nagalit iyong mga “dilawan” eh.
Isa pa tigilan na iyang galit ng mga dilawan. Kasi kung talagang ganoon kalakas ang impluwensiya nila sa showbiz, bakit muntik pang makansela ang concert noon ni Jim Paredes na nilangaw sa CCP? Bakit hindi umangat ngayon si Agot Isidro? Bakit hindi kumita ang mga pelikula ni Juana Change? Binoykot din ba sila ng mga kasama nilang dilawan?
HATAWAN
ni Ed de Leon