MADALAS akong manood ng Wanted sa Radyo at hanga ako sa tulong na ibinibigay kapwa nina Raffy Tulfo at Niña Taduran.
Kamakailan nakasama namin sa isang pananghalian si Nina at naikuwento nga nitong siya ang ikatlong nominee ng ACT-CIS o Anti-Crime and Terrorism thru Community Involvement and Support. Pero bago ito’y aware na akong tatakbo siya sa isang partylist dahil itinampok din naman iyon sa radio show nila ni Tulfo.
Kasama niyang tatakbo sa kanilang partylist ang asawa ni Raffy na si bilang nominee no. 2 Jocelyn Tulfo at si Eric Go Yap, ang kanilang nominee no 1, isang negosyante.
Nais pa ni Nina na makatulong pa at makapaglingkod sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagpapasa ng batas para sa mga kababayang mas nangangailangan ng tulong. Subok na rin naman ang pagtulong ni Nina dahil sa kanilang public service radio show. Kaya nakatitiyak tayong madadala ni Nina sa Kongreso ang pagtulong.
Ani Nina, ang ACT-CIS ang totoong public service. Naging co-host siya ni Mr. Tulfo for 20 years at nagsanib puwersa sila para sa totoong public service.
Naiiyak man si Nina sa pag-iwan sa radio show nila ni Tulfo, sinabi niyang pansamantala lamang iyon.
“Magkakatulungan tayo, huwag mag-alala. May track record will speak for itself for the past 28 years in the broadcast industry and 20 years sa public service with idol Raffy Tulfo. Nakita n’yo naman, nasubukan n’yo na ako. Tried and tested. Ito nga lang po mas lalong isasabuhay ko kasi magpapasa tayo ng batas para sa mga kababayan nating mas nangangailangan,” giit pa ni Nina.
Bukod sa pagtulong sa karapatan ng mga kababaihan at bata, nariyan din ang pagtulong niya sa LGBT community gayundin sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Giit pa ni Nina, nais niyang magpasa ng batas na magpapatibay sa programa ng gobyerno ukol sa poverty alleviation. Nakikita niyang sa pagtutulungan ng local government units (LGU) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pamamagitan ng technology at d livelihood training sa mga komunidad, matutulungan nito ang mga out-of-school-youth at ang mga inang walang trabaho para maging mas produktibo sila.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio