INAASAHANG bubuhos nang maraming ulan ang Typhoon Rosita (international name: Yutu) sa Northern at Central Luzon katulad ng Bagyong Ondoy noong 2009, ayon kay Aldsar Aurelio, weather forecaster ng PAGASA, kahapon.
“Ang torrential na pag-ulan ay katulad nang pagbagsak ni Ondoy. Nakapalaki nitong bagyo at compact ang ulap,” pahayag ni Aurelio bilang paglalarawan sa posibleng dami ng ibubuhos na ulan ng bagyong Rosita.
Binalaan niya ang mga residente sa landslide-prone areas at mababang mga lugar na lumikas.
Sa kasalukuyan, ang bagyong Rosita ay tinatayang babagsak sa kalupaan sa Isabela-Aurora area sa Martes.
Dakong 3:00 am nitong Linggo, ang Bagyong Rosita ay namataan sa 980 kilometers mula sa silangan ng Aparri, Cagayan at patungo sa northern Luzon.
Susundan nito ang landas na tinahak ng Typhoon Ompong nang salantain ang northern Luzon noong Setyempre.
Napanatili ng Bagyong Rosita ang kanyang lakas at may lakas ng hangin hanggang 200 kilometers per hour (kph) at pagbugsong hanggang 245 kph, habang kumikilos ng 20 kph.
“Itong lakas ng hangin kayang patumbahin ang mga puno, ang mga poste,” ayon kay Aurelio.
Ang Bagyong Rosita ay may diameter na 800 kilometers, ibig sabihin maaari nitong maapektohan ang iba pang mga lugar katulad ng Metro Maila.
“Lalakas pa, dahil sa darating na oras at tatahakin niyang dagat, ay sufficient para mag-produce ng energy na kailangan ng bagyo,” ayon kay Aurelio.
Inaasahang lalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility sa 1 Nobyembre, pahayag ni PAGASA weather specialist Meno Mendoza kahapon.