BAGAMAT nagpasalamat naman si Regine Velasquez sa kanyang dating network, sinabi niyang noong mag-concert siya sa US, ni hindi alam ng mga tao roon ang kanyang ginawang shows doon sa rati niyang network. Noong mabanggit niya iyong Ang Probinsyano, alam ng mga tao sa abroad.
May nasabi pa ngang mga 15 serye na ang naitapat sa Ang Probinsyano, kabilang na iyong ginawa nilang Encantadia at iyong tumatakbo ngayong Victor Magtanggol na nabigong pataubin ang AP. Totoo naman iyon, kaya nga sinasabing sobra talaga ang suwerte ni Coco Martin, dahil sino ba ang mag-iisip na ang seryeng iyan ay tatakbo ng tatlong taon?
Nawala na nga sa kuwento eh dahil ang basehan niyan ay isang pelikula lamang ni FPJ, maniniwala ka bang mababatak ang kuwento niyon para tumakbo ng tatlong taon?
Kung titingnan mo, hindi na kuwento iyan ni FPJ. Kuwento na iyan ni Coco at talagang malakas ang serye. Wala namang tumalo sa show na iyan talaga.
Iyong mga show na ginawa naman ni Regine, hindi naman kasi mga ganoong klase ng show ang hinahanap ng mga Pinoy sa abroad. Hindi sila manonood ng isang cooking show. Hindi sila manonood ng isang amateur singing contest. Hinahanap nila iyong show na marami silang makikitang artista. Admitted din naman na mas malaki ang audience ng The Filipino Channel sa abroad kaysa Pinoy TV, kasi nauna namang ‘di hamak ang ABS-CBN doon. Noong lumabas iyong Pinoy TV, halos lahat ng Pinoy nakapag-subscribe na sa TFC.
Ngayong lumipat na siya ng network, ngayon niya obserbahan kung ang mga gagawin niyang shows ay kakagatin na nga sa abroad.
HATAWAN
ni Ed de Leon