MABUTI naman at kinastigo ng isang netizen ang pagbabando ni Pia Wurtzbach sa Instagram n’ya na 11 years old pa lang siya ay breadwinner na ng pamilya.
Mistulang panghihiya ni Pia sa mga magulang n’ya: “I’ve been my family’s breadwinner since I was 11. I’ve worked countless jobs from waiting tables to packing boxes in a paper factory — a testament that I hustled on and never gave up ‘til I reached my dreams.”
Nag-react ang isang netizen sa comment section ng post ni Pia. Deretsahang pahayag ng netizen: “You do know you’re basically telling everyone that your parents had let you work when you were 11, let you feed and support them instead of them working and supporting you? What were they doing when you were 11? Just sits around waiting for you to come home from work? #childabuseawareness.”
Sumagot din naman agad ang Miss Universe 2015: “What I mean was I stepped in to be breadwinner of my family because I eventually had the most income through my modeling and acting career as a kid.
“But at the same time I was still in school, I never stopped schooling. And my mom would be around me all the time to watch over me,” she narrated.
Binigyang-diin n’ya na naging waitress siya at factory worker noong lagpas na siya ng 17 at “legal enough to work.”
Hindi naisip ni Pia na ang lahat ng mga anak na nagmamalaking breadwinner ng pamilya ay inilalagay ang magulang nila sa kahihiyan habang iniaangat nila ang kanilang sarili bilang mga dakilang anak.
‘Pag nanood kayo ng mga contest sa TV, kahit anong contest, maski paghula lang kung nasaan ang pera sa mga kahon, ibinabando na pangsuporta sa mga magulang at kapatid nila ang perang mapagwawagian nila.
Kapuri-puri silang mga anak at mistulang kamuhi-muhi ang mga magulang nilang nag-anak nang nag-anak pero ‘di man lang nakapagpatapos sa kolehiyo ng mga anak o nakapagpatayo kahit na maliit na bahay lang para sa pamilya.
Tiyak na nanliliit ang mga magulang sa ibinabando ng mga anak nila. Nagbabangong-puri na lang sila sa pagsasabing proud na proud sila sa kadakilaan ng mga anak nila. Walang maglalakas ng loob na magsasabing pahiyang-pahiya sila sa pagbabando ng anak nila sa kawalan nila ng kakayahan. Walang umaamin na ang feeling nila ay kung puwede lang silang bigla na lang silang lumubog sa kinauupuan o kinatatayuan nila.
At parang mga anak o kabataang Pinoy lang ang walang pakundangang ipangangalandakan na binubuhay nila ang kanilang mga magulang at kapatid. Hindi nila naiisip na hinihiya nila sa publiko ang mga magulang nila. Parang kahit na ibang Asians ay hindi ipinangangalandakan na binubuhay nila ang kanilang mga magulang.
Pagtatakip-butas na lang ni Pia para sa mga magulang n’ya: “It was my decision to help my family. They never forced me. But of course mahirap ‘yun…
“Wala po kaming nilabag na batas. Mahirap lang po talagang lumaki sa and I’m not ashamed of where I came from. I’m sharing my story na kung kinaya ko, kaya nyo rin!”
Kailan kaya titigil ang kabataang Pinoy sa pagbubuhat ng sarili nilang bangko sabay sa implied na panghihiya sa mga magulang nila?
Puwede naman nilang sabihing, “Akin lang po ang perang mapapanalunan ko dahil malulusog at may hanapbuhay naman ang mga magulang ko.”
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas