STAGE actor na rin nga si Jake Cuenca, kung di n’yo pa alam. Magpapangalawang weekend na nga ang pagganap n’ya sa Lungs sa Power Mac Center Spotlight Theater sa Circuit Lane, Makati. Hanggang sa weekend na lang ng October 7 ito itatanghal.
English ang dula, na isinulat ni Duncan Macmillan. Tinanggap ni Jake ang stage project para ‘di magtuloy-tuloy ang kontrabida na n’yang image sa mga pelikula at teleserye.
Kontrabidang-kontrabida siya sa natapos na Bloodsisters ng Kapamilya Network. Iyon ‘yung teleseryeng nagtampok kay Erich Gonzales sa tatlong characters: triplet na nagkahiwa-hiwalay.
“I feel like a very real human being in this play,” pahayag ni Jake sa media. Human being na laging nakikipag-usap ng masinsinan. Human being na walang pinagmamalupitan.
Napaka-challenging ng dula na idinidirehe ni Andrei Pamintuan—dahil dalawa lang ang characters sa play. At 90 minutes silang mag-uusap: isang babae at isang lalaki na mag-asawa. Walang intermission ang dula.
Kabilang sa pag-uusapan nila ay ang pagtatalik nila. At kung hahayaan na ba nilang mauwi ‘yon sa pagkakaroon ng anak.
Mga Kano ang character sa dula. At sa mga Kano, pati na rin sa Europeans, hindi kailangang mauwi sa pagkakaroon ng anak ang pagtatalik. Magkatuwang ang mag-asawa sa pagpapasya kung kailan nila gustong magkaanak. Marunong mag-pills ang mga babae at payag mag-condom ang mga lalaki.
Si Sab Jose nga pala ang katambal ni Jake. Beterana na si Sab sa teatro, bagama’t sa musicals siya madalas na maisalang.
Bihirang mga aktor at aktres ang tumatanggap ng stage play na dalawa lang ang characters. Ang isa sa mga iyon ay si Eugene Domingo. Si Cherie Gil ay walang-takot na gumanap na solo character lang sa isang play ilang taon na ang nakalipas.
Nag-aral ng acting si Jake noon sa Lee Strassberg School sa New York. Mas pang-stage nga ang acting na inaral n’ya roon kaysa pampelikula. Tuwang-tuwa nga siya na magagamit na n’ya sa Lungs ang mga natutuhan n’ya sa Amerika.
May ka-alternate na actor si Jake pero sa September 29 lang ‘yon maisasalang. Si Gab Santos ang ka-alternate ni Jake. Alas tres ng hapon at alas-otso ng gabi ang pagtatanghal kapag Sabado at Linggo. Sa gabi lang ang pagtatanghal tuwing Biyernes.
Tumawag sa Ticketworld (891-9999) para sa presyo at availability ng mga tiket. Puwede n’yo ring i-check ang mga detalye sa website nila.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas