HINDI itinanggi ng panganay nina Sen. Bong Revilla at Lani Mercado na si Bryan na medyo nagdalawang-isip siya sa paggawa ng pelikula o muling pagsabak sa pag-arte.
Isa sa bida si Bryan sa trilogy ng Tres, ang Virgo, na handog ng Imus Productions kasama sina Jolo para sa episode na 72 Hours at si Luigi para naman sa Amats.
Taong 2007 pa pala huling gumawa ng pelikula si Bryan (Resiklo) at hindi nito itinangging sobra siyang na-excite sa Virgo dahil sa grabeng action movie talaga ito.
“It was our dad who conceptualized the project, na mag-serve as comeback film din ng aming family owned film production, Imus Productions,” ani Bryan. ”Obvious na pinlano ng Dad naming na gawin itong rilogy, consisting of three episodes, where each of us, will have his own individual episode.”
Ang Virgo ni Bryan ay idinirehe ni Richard Somes kasama sina Carla Humphries at Joey Marquez.
Sinabi pa ni Bryan na hindi niya puwedeng hindi pagbigyan ang request ng ama nila na gawin ang Tres at makatulong para buhayin ang action film sa industry.
Hindi naman niya itinangging medyo kinalawang na siya dahil mahigit sampung taon na nga naman siyang hindi umaaarte. Pero thankful kay Direk Richard na talagang tumulong sa kanya para magawa ng maayos ang mga eksena.
Sa 72 Hours ni Jolo ay may special participation si Lani kaya natanong si Bryan kung hindi ba siya nangtampo sa kanilang ina?
“Alam ko namang mahal ako ng nanay ko. So those things don’t really matter,” nangingiting sagot nito.
Sinabi pa ni Bryan na mahirap kalimutan at iwanan ang isang hanapbuhay na kinagisnan at mahal ng kanilang pamilya, ang pag-arte at paggawa ng action movie.
Ang Tres ay mapapanood na sa Oktubre 3 handog ng Imus Productions at ire-release ng Star Cinema.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio