PATAY ang isang 63-anyos barangay chairman ng Brgy. San Jose sa Rosario, La Union, nang pagbabarilin ng mga lalaking sakay ng SUV, nitong Biyernes.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakikipagkuwentohan ang biktimang si Ruben Genetiano sa tapat ng bahay ng kamag-anak sa katabing-bayan ng Pugo, nang bumaba ng sasakyan ang tatlong gunman at malapitan siyang binaril.
Kabilang sa drug watch list si Genetiano. Nitong Hulyo, inaresto siya makaraan umanong makuhaan ng droga ang kaniyang bahay, ngunit nakapagpiyansa siya kinabukasan.
Gayonman, hinihinala ng kaniyang mga kaanak na politika ang motibo sa pamamaril dahil may nakaalitan umano ang biktima noong nakaraang barangay elections.
May nauna pa anilang pagtatangka sa buhay ni Genetiano, ngunit nabigo ito.
“Hindi pa rin nila tinigilan hanggang mapatay nila,” kuwento ng kaniyang anak na humiling na huwag pangalanan.
Habang sinabi ng pulisya na masusing iniimbestigahan ang posibleng motibo sa krimen.
Dating nanilbihan si Genetiano bilang barangay kagawad nang anim na termino. Pangalawang termino na niya bilang punong barangay nang mangyari ang krimen.