MAKARAAN magdeklara ng state of emergency ang Tripoli Authority, pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Filipino bunsod ng kagulohan doon na kumitil ng maraming buhay.
Umapela ang ahensiya sa mga Filipino sa Libya na gawin ang ibayong pag-iingat at manatili sa loob ng bahay at iwasan ang lumabas kung hindi naman kinakailangan dahil sa sitwasyon sa Libyan capital dulot ng tensiyon. Ayon sa Philippine Embassy sa Tripoli, bukod sa nangyayaring labanan, may mga pagkakataon din ng pagnanakaw at panloloob, carnapping at iba pang mga krimen.
Sinabi ni Chargé d’Affaires Mardomel Melicor, tinatayang nasa 1,800 Filipino ang nasa Tripoli na pinayohang tiyakin na sila ay may sapat na pagkain at tubig na tatagal nang ilang araw at maging handa kung mawala ang supply ng koryente at internet connection.
Inihayag ni Melicor, ang Embahada ay mananatiling handang tumugon sa ano mang kahilingan para tulungan ang Filipino community doon. (JAJA GARCIA)