NANINIWALA si Senate President Vicente Tito Sotto III na hindi pa napapanahon para ipatupad ang nationwide martial law sa bansa.
Ito ang naging reaksiyon ng senador nang tanungin ng mga mamamahayag kung panahon nang ipatupad ang batas militar sa buong bansa makaraan ang sunod-sunod na pagsabog, ang pinakahuli ay sa Sultan Kudarat na ikinamatay ng dalawa katao at 37 ang sugatan.
Ayon kay Sotto, hindi kailangan ipatupad ang martial law sa buong bansa sa halip ay iginiit na ipasa ang pag-amiyenda sa Human Security Act na magbibigay ng pangil laban sa terorismo.
Naniniwala rin si Sotto, sa loob ng isa o dalawang buwan ay tiyak mareresolba ang kaso nang pagpapasabog sa Mindanao.
Dagdag ni Sotto, sakaling ipatupad ang batas militar sa buong bansa, daraan muna ito sa Kongreso.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang batas militar sa Mindanao na magtatapos sa 31 Disyembre ng taong kasalukuyan.
(CYNTHIA MARTIN)