INTERNATIONAL fashion icon na si Heart Evangelista. Endorser na siya sa isang fashion house sa Paris, France, na siya pa ring itinuturing na fashion capital of the world.
Sequoia ang brand na ineendoso ni Heart. Leather handbags ang espesyalisasyon ng Sequoia. ‘Luxury French label’ naman ang description mismo ni Heart sa mga produkto ng Sequoia. (May Sequoia Hotel sa Quezon City pero parang wala namang kinalaman ang hotel sa French luxury brand na nabanggit.
Inilunsad si Heart ng Sequoia sa isang fashion pictorial na inilabas ‘di lang sa international fashion magazines kundi pati na sa global fashion websites. Ipinost ni Heart ang mga litrato sa Instagram n’yang @iamhearte.
Ibinalita rin n’ya sa Instagram n’ya na later this year ay babalik siya sa opisina ng Sequoia para sa panibagong pictorial at iba pang aktibidades para sa brand.
Ngayong Setyembre ay sa New York naman siya lilipad para sa isang fashion event doon. Malamang ay pupunta rin siya sa Milan, Italy ngayong Setyembre.
Maaaring may mga Filipino rin na nai-involve sa fashion capital ng mundo, pero malamang ay “Pinay-French” models ang mga ‘yon at matagal nang sa Paris naninirahan. O kaya ay sa Italy. Si Heart ay purong-purong Pinay.
Puwedeng sabihing “sinusuwerte lang” si Heart kaya maraming ‘di-pangkaraniwang pangyayaring nagaganap sa kanya. Pero puwede ring sabihing hindi suwerte ‘yon kundi “good karma” na likha ng Diyos para sa kanya.
Maaalalang dalawang beses nakunan si Heart sa loob lang ng ilang buwan. Dalawang beses dahil kambal ang dinadala n’ya nang makunan siya. Hindi sabay na yumao ang dalawang supling na napag-alaman sa pamamagitan ng Ultrasound technology na parehong babae. May pagitan na halos isang buwan ang pagyao ng mga supling.
Nang mapabalitang nakunan si Anne, walang napabalitang nagalit siya sa Diyos dahil doon. Tatlong taon na silang kasal ni Sen. Chiz Escudero at tatlong taon na siyang naghihintay na magdalantao at sa paglaon ay maging ina.
Maraming babaeng nakukunan ang nagiging bitter sa mundo, ang humihina ang paniniwala sa Diyos. Sa halip na magkaganoon si Heart, ang inisip na lang n’ya ay magiging dalawang anghel ang nahulog sa sinapupunan n’ya, at ang dalawang anghel na ‘yon ang tutulong sa kanya para makapagdalantao siya nang mas malusog na supling.
Sa halip na maghimutok at sumama ang loob, nag-travel na lang sa France at sa iba pang bansa si Heart. Nagpinta-pinta rin siya at nag-exhibit ng mga obra n’ya sa Ayala Museum kamakailan.
Sana ay tularan ng marami ang attitude ni Heart: ang ‘di pagiging bitter at mapanisi tuwing may parang negatibong nagaganap sa buhay. Malamang ay lihim na alam ni Heart ang spiritual truth na ang anumang parang ipinagkakait, ipinagdadamot ng Diyos ay ipinagkakaloob din N’ya sa paglaon: sa panahong handang-handa na ang tao na ma-enjoy in full ang katuparan ng idinadalangin n’ya sa Diyos.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas