MALAPIT nang mabuwag ang National Food Authority (NFA) kapag naaprobahan ang batas na magpapahintulot sa pribadong sektor na mag-angkat ng bigas upang lumaki ang supply sa bansa.
“Well, ito naman po ang direksiyon na tinatahak natin, dahil iyong panukalang batas na tariffication po [ay naipasa], mawawalan po talaga ng saysay na ang NFA,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque kahapon, bilang tugon sa panawagan ng ilang mambabatas na buwagin ang NFA.
Napaulat na nagsagawa ng fumigation ang NFA sa daan-daang libong sako ng bigas na may bukbok dahil sa init sa barko na bumiyahe mula Thailand kaya na-delay ang pagdiskarga sa Subic Bay Freeport at Tobacco City, Albay.
Ang liberalisasyon ng importasyon ng bigas, ayon sa Department of Finance (DOF), sa pamamagitan nang pagpasa sa rice tarrification bill, ay mahalaga upang makaagapay ang mahihirap sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo ng bigas.
Giit ni Roque, maraming dapat ipaliwanag ang NFA at hindi katanggap-tanggap na bukbok ang dahilan kaya naantala ang pagdiskarga ng daan-daang libong sako ng bigas mula Thailand.
“Sinabi na po ng NFA na bagama’t may bukbok iyan ay mayroon naman pong remedyo diyan. Hindi po namin sinasabi na katanggap-tanggap iyan. Ang sinasabi nila ay dahil daw po sa patuloy na pag-ulan. Pero sa tingin ko marami pa rin talagang dapat i-explain ang NFA kung bakit natagalan sila sa pagbaba,” sabi ni Roque.
Umabot sa P70 kada kilo ng bigas sa ilang lugar sa bansa bunsod ng kakulangan ng supply.
(ROSE NOVENARIO)