BAWAL sa mga Kapatid natin sa INC na pumasok sa politika o mag-endoso ng isang politiko, kaya huwag sanang bigyan ng kakaibang kahulugan ang presence ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa isang event na may larawan pa sila ni Gladys Reyes.
Dahil naging panauhin ni Gladys si Imee sa kanyang programang Moments (sa Net 25) ay doon na nagsimula ang kanilang pagiging malapit sa isa’t isa.
Pinaunlakan ni Imee ang paanyaya ni Gladys na siya ang mag-cut ng ceremonial ribbon nang pasinayaan (nitong July 31) ang Estela Restaurant, na pag-aari ng kanyang kabiyak na si Christopher Rojas at lima pang kasosyo.
Si Gladys ang may hawak ng PR at marketing side ng kabubukas pa lang na resto sa Brickroad, tapat ng Sta. Lucia East sa Cainta, Rizal.
It is of interest to note na ang kitchen consultant cum chef ng Estela ay ang character actor na si Victor Neri, dating nakasama ni Christopher sa Ang TV noon ng ABS-CBN.
At take note, may isang house specialty sa Estela na nagmula sa idea ng panganay nina Christopher at Gladys na si Christophe. Patok ito sa mga bagets at bongga ang serving.
Bilib din naman kami sa pinagkukunan ng physical energy ni Gladys. She’s one who wears many hats, ‘ika nga.
Bukod sa pag-arte ay sabay-sabay niyang nagagampanan ang pagiging MTRCB board member, businesswoman via her Gladys Skin Care (sa tulong ng kanyang kapatid na si Janice), maybahay ni Chris at ina ng apat na magaganda’t malulusog na supling.
(RONNIE CARRASCO III)