READ: PDEA, BoC magkasalungat sa drug smuggling sa magnetic lifters
TINAWAG na espekulasyon ng Palasyo ang ulat na naipuslit sa bansa ang may P6.8 bilyong halaga ng shabu.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kahit nakaaalarma ang pahayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino na nakalusot sa Bureau of Customs ang halos 1,000 kilo ng shabu na P6.8 bilyon ang halaga, espekulasyon ito dahil walang nagtuturong ebidensiya at hindi pa tapos ang imbestigasyon sa isyu.
“Of course, this is a reason for alarm dahil malaki ‘yung nahuli. ‘Yung sinasabi na posibleng nakapasok, ‘yan ang speculation pa. Hindi naman pa tinatanggap na gospel truth na ‘yan,” sabi ni Roque sa press briefing kahapon sa Malacañang.
Iniutos aniya ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa National Bureau of Investigation (NBI) na siyasatin nang husto ang usapin.
“The Executive Secretary has ordered the NBI to conduct a thorough investigation into this matter. This was personally relayed to me by the Executive Secretary yesterday afternoon,” dagdag ni Roque.
Nakompiska kamakailan ng PDEA ang abandonadong container sa Manila International Container Port (MICP) na naglalaman ng dalawang malaking magnetic lifters na may ‘palamang’ 500 kilo ng shabu.
Nabisto ng PDEA ang apat na katulad na magnetic lifters sa isang bodega sa GMA, Cavite ngunit walang laman na shabu.
(ROSE NOVENARIO)