PATAY ang isang ginang nang pagsasaksakin ng kanyang live-in partner sa loob ng kanilang bahay sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Maria Rosa Jatulan, 53, vendor sa Concepcion Market, at residente sa E. De Jesus St., Brgy. Concepcion, habang pinaghahanap ng mga pulis ang kanyang live-in partner na si Danilo Manalastas, nasa hustong gulang.
Batay sa imbestigasyon nina SPO1 Jherico Pascual, PO2 Joenel Claro at PO2 Aaron Blanco, dakong 5:00 pm nang utusan ng kapatid ng biktima na si Wilma, 43, ang kanyang anak na si Jovito na puntahan ang kanyang tiyahin sa inuupahang apartment para alamin kung bakit hindi nagtinda sa palengke.
Agad nagtungo si Jovito sa bahay ng tiyahin at pagdating ay paulit-ulit niyang kinatok ang pinto ngunit walang nagbubukas kaya humingi ng tulong sa isang Reynaldo Gallardo saka sinira ang window grills.
Nang makapasok sa loob, laking gulat ni Jovito nang makita sa loob ng kuwarto ang wala nang buhay na biktima habang natakpan ng unan at banig kaya agad niyang ipinaalam sa kanyang ina na siyang nag-report sa pulisya hinggil sa nadiskobre.
Sa isinagawang cursory examination ng mga tauhan ng SOCO sa bangkay, nabatid na ito ay may mga saksak sa dibdib at kaliwang braso.
Nauna rito, dakong 11:15 am nang marinig ng kapitbahay ng biktima na si Roxanne Conise, 27, si Ma. Rosa habang umiiyak at sumisigaw ng “Danny Tama na!”
Pagkaraan ay nakita ng isa pang saksi na si Joel Conge ang suspek na lumabas sa kanilang apartment at nagmamadaling sumakay sa motorsiklo saka mabilis na tumakas.
(ROMMEL SALES)