PINARANGALAN si Scottie Thompson bilang Most Valuable Player ng 2018 PBA Commissioner’s Finals.
Ito ay matapos mamayani sa six-game series victory ng Barangay Ginebra kontra sa dating kampeon na San Miguel na nasaksihan ng 20,490 fans sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kamakalawa.
Hindi ito inakala ni Thompson lalo’t ang tanging nais niya simula’t sapol ay matulungan ang Gin Kings na magwagi ng kampeonato.
“Unang-una, wala akong idea na may makukuha akong MVP. Gusto ko lang talaga ay championship,” ani Thompson na nagrehistro ng 10.8 puntos, 7.7 rebounds at 5.2 assists sa umaatikabong six Finals games para sa Ginebra.
Produkto ng University of Perpetual Help System-Dalta sa NCAA, inamin ni Thompson na hindi niya akalaing magwawagi ng mga naturang parangal sa PBA nang ma-draft bilang 5th overall pick ng Ginebra noong 2015 PBA Rookie Draft.
Bagamat nag-MVP sa NCAA noong Season 90, masalimuot na nagwakas ang collegiate career ng do-it-all guard na si Thompson nang hindi nakapasok sa Final Four ang Altas sa kanyang huling playing year.
Kahit isang beses ay hindi siya nagkampeon bago maranasan ito sa Ginebra.
“I thank God, siguro everything happens for a reason. Talagang nabigo ako sa career ko sa Perpetual pero rito sa career ko sa PBA, sobrang blessed,” dagdag ni Thompson na nagtala ng 12 puntos, 13 rebounds at 5 assists sa title-clinching win ng Gin Kings sa Game 6.
Sa kabila nito, ibinigay ni Thompson ang papuri sa buong koponan ng Ginebra na para kanya ay siyang dapat na tanghaling MVP.
“Lahat kami, deserve ‘yung MVP. Pero mas deserve namin itong championship,” pagtatapos niya. (JBU)