READ: Privacy tiyak na protektado
TATLUMPUNG bilyong piso ang pondong kailangan para sa kabuuang pagpapatupad ng national ID system sa susunod na tatlo hanggang limang taon, ayon sa Philippines Statistics Authority (PSA).
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Undersecretary Lisa Grace Bersales ng National Statistician and Civil Registrar Office na ngayong 2018, dalawang bilyon na ang nakalaan para sa Philippine Identification System o PhilSys na nakapaloob sa General Appropriations Act o GAA.
Ipinaliwanag ni Bersales na sa pagkasilang pa lamang sa isang sanggol at naipasa na ng local civil registry ang certificate of live birth sa PSA, agad siyang bibigyan ng citizens number.
Ilalagay rin sa Phil ID card ng bata ang Phil ID card number ng nanay niya o guardian.
Unang pagkakataong kukuhaan ng biometrics ay kapag nasa limang taong gulang na, sa pagsisimula ng pagpasok sa kindergarten.
Ayon kay Bersales, ang citizens ID card number ng bata ay magsisilbi na niyang student ID hanggang pagsapit ng kolehiyo.
Uulitin na lamang ang biometrics capture pagsapit niya ng edad na kinse o disiotso depende sa mapagkakasunduang ilagay sa Implementing Rules and Regulation (IRR).
Samantala, isang milyong unconditional cash transfer o UCT beneficiaries ang unang mabibigyan ng Philipine ID para sa pilot issuance nito.
Ayon kay Bersales, bago matapos ang taong ito ay inaasahang maibibigay na nila sa UCT beneficiaries ang Phil ID.
ni ROSE NOVENARIO