READ: Unli love, hiling ng dalaga ni Alma
UNANG pelikula ni Winwyn Marquez ang Unli Life, entry ng Regal Entertainment, Inc. sa 2018 Pista ng Pelikulang Pilipino kaya tinanong siya sa ginanap na mediacon noong Huwebes ng gabi sa 38 Valencia Events Place kung ano ang pakiramdam na sa comedy film kaagad siya isinabak.
“Actually kinabahan po ako at alam ni Vhong (Navarro) ito kasi minsan po mataray ang hitsura ko at nawawala ako sa karakter kasi sanay po akong kontrabida sa TV.
“Pero overwhelming din po kasi rati pinanonood ko lang si Vhong Navarro, ngayon katrabaho ko na tapos kasama ko pa si daddy (Joey Marquez) dito.
“Masasabi ko na nakapag-comedy na ako ngayon,” kuwento ng baguhang aktres na anak nina Tsong Joey Marquez at Alma Moreno.
Nabanggit pa ni Winwyn na 8 years old palang siya nang napapanood niya si Vhong na leading man na niya ngayon.
Ano naman ang reaksiyon ng TV host/comedian. “Nagulat po ako sa ipinakita niyang performance rito kasi sa pagkakakilala ko po sa kanya bukod sa magaling sumayaw, eh, siya’y gumaganap na kontrabida sa mga soap opera.
“Pero this time, noong inilabas niya ‘yung galing niya sa comedy, eh, alam na alam na natin kung kanino nagmana, siyempre kay Tsong Joey.
“Nandoon ‘yung humor, wala akong masasabi pa, ‘yung sense of humor ng isang Joey Marquez, nai-share niya sa mga anak niya like si Vito (miyembro ng Hashtag), eh, malakas din ang sense of humor.
“Kumbaga si Wyn (tawag sa aktres), hindi siya natatakot magtanong kung ano pa ang puwede pang dapat gawin. Kasi iyon ang isa sa nakabibilib sa mga artista dahil ayaw mong magmukha kang inosente o tanga sa gagawin mo kaya dapat kang magtanong kaysa nagpapanggap ka na hindi mo alam kung ano ang gagawin mo.”
Naikuwento ng cast ng Unli Life na ang saya ng shooting nila dahil wala silang iniisip na playdate kasi noong i-shoot nila ang pelikula ay hindi nila alam na isasali sa PPP kaya cool lang silang lahat sa set.
Ang isa sa gusto ni Winwyn na ginawa nila ay ay montage scene na isang buong araw nilang ginawa.
“Specifically ang pinakagusto ko po ay ‘yung montage na mahabang ginawa naming very different at one whole day. Ginawa namin and it wasn’t easy kasi isang shot lang siyang montage na iba-iba ‘yung feel, iba-iba ‘yung damit, may quick change, sobrang saya at sobrang nakatatawa.
“Ang galing-galing ng buong team while doing that kasi parang may musical din,” kuwento ng dalaga.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan