READ: Manoy, ayaw pang magretiro
MULING mapapanood sa 2018 Cinemalaya Film Festival ang beteranong aktor na si Eddie Garcia bilang retired pulis na maysakit na dementia sa pelikulang ML o Martial Law na isinulat at idinirehe ni Benedict Migue for CMB Film Services.
Sa panayam namin kay Eddie ay ikatlong pelikula na niya ito na napasama sa Cinemalaya, “the first one was ‘ICU Bed No. 7’ (2005), the second was ‘Bwakaw’ and this is the third,” say ng aktor.
Sa pelikula ay baguhang artista ang kasama niya, si Tony Labrusca kaya hiningan namin ng komento ang beteranong aktor kung paano niya ikukompara sa ibang nakasama niyang young actors.
“Well, Tony is a very good actor, he’s very concenscious, he comes on time and prepared, he will go places,” papuri ni Eddie sa baguhang aktor.
Sa kuwentuhan namin nina tito Eddie at sa direktor na si Benedict ay nabanggit na maraming suggestion ang una na gawin sa torture scenes ni Tony.
“Maganda sana ‘yung eksenang may kahon na may mga daga tapos lalagyan mo ng alambreng may kuryente tapos itatapat mo sa tiyan ni Tony. O kaya ‘yung mata niya binubulag, nakagapos si Tony tapos nakaganoon ‘yung mata niya at lalakihan mo ‘yung apoy tapos lalagyan mo ng yero tapos ‘yung camera lalagay mo rito.
“Maganda sana ‘yung bulag na ‘yung isang mata ni Tony tapos magmamakaawa siya sa akin,” pahayag ng aktor cum direktor.
Sabi namin na maganda ang mga suhestiyon ni tito Eddie dahil itinanghal siya bilang Best Director sa mga pelikulang ginawa niya noon sa iba’t ibang award giving body.
Tawang-tawa naman si direk Benedict, “ang gaganda ng suggestion ni tito Eddie kaso hindi namin magawa kasi masyadong bayolente, lahat nga ng nakapanood ng pelikula namin, napapangiwi na at nagtatakip na ng mga mata. Imagine gusto ni tito Eddie, susunugin ‘yung mata, papakain sa daga ‘yung tiyan. Sabi ko, ‘tito Eddie, wala tayong budget.’”
Dagdag pa ni tito Eddie, “maganda sana na ‘yung kahon ng sapatos tapos may yero sa ibabaw lalagyan mo ng daga sa loob sa may tiyan tapos may baga sa ibabaw kakamot ‘yung daga.”
“Naku, tito Eddie, baka hindi na tayo mapanood n’yan, triple X na ibibigay sa atin,” natatawang sabi pa ni direk Benedict.
Isa pang suggestion ay maglagay ng thumb tacks sa ilalim ng mga paa ni Tony habang nakatapak, “tapos puputulin ko ‘yung mga daliri tapos lalagyan ko ng dugo, hindi ba ang ganda?” sabi pa ng premyadong aktor.
Papasa ang mga gustong eksena ni tito Eddie sa Cinemalaya, pero kapag sa commercial run na ay tiyak na hindi.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan