DALAWANG taong tengga ang aktres na si Anne Curtis kaya naman nang ialok sa kanya ang Buy Bust, agad siyang na-inspire.
Ani Anne sa mediacon ng pinakabagong handog ng Viva Films na pinamahalaan ni Eric Matti, dalawang taon siyang hindi gumawa ng pelikula dahil sa kapipili ng tamang materyales.
“The moment it was pitched to me over the phone by direk Erik Matti at binanggit sa akin ni boss Vincent (del Rosario, Jr) I was so inspired, I was so hungry for role in the film like this parang naka-two years yata ako sa Viva na wala akong ginagawang pelikula kasi wala akong magustuhan. And finally when this came up, I said ‘it’s an indefinite yes!” Sagot ni Anne nang tanungin kung bakit niya tinanggap ang pelikulang punumpuno ng aksiyon.
Forte ni Anne ang romantic-comedy kaya marami ang nagulat nang tanggapin niya ang karakter na PDEA Agent na talagang duguan at basag-basag ang mukha.
“Physically, mentally and emotionally challenging siya, tinanggap ko pa rin and I’m so, so happy with it,” pagmamalaki ni Anne.
“Lahat ng eksena ko buwis buhay dahil wala akong dobol, pero ang pinaka-mahirap was the 3-minute scene with one shot lang na pinagpapasa-pasahan lang ‘yung camera na galing ako sa baba, akyat ako ng bubong, baba ako ng bubong, makikipag-away ako sa bubong, aakyat ulit ako tapos hanggang sa malaglag ako sa bubong in one take ‘yun, so it took us 57 takes to get it right for 3 days bago nakuha ng tama ‘yung eksena. You’ll see it in the movie and basta, ‘yung first day naming sinyut, nasuka-suka ako sa hirap, hindi biro ‘yun because that’s how hard it was,” kuwento ni Anne.
Sa kuwento naman ni direk Erik sa Send-Off mediacon para sa Filipino Delegates na pupunta sa New York Asian Film Festival na sponsored ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sobrang madugo ang eksenang iyon.
“Five days naming ini-rehearse, sinyut naming three days in one shot. Eto ang masayang kuwento riyan, nag-rehearse kami, siyempre ang hirap ng timing ‘di ba? Rehearsal full staff, crew and cast, sabi nga nina Vincent, boss Vic, at Dondon, ‘rehearsal lang naman ‘yan bakit nandiyan lahat?’
“Noong nag-rehearse kami madulas ang bubong kasi maulan pa, so inayos namin ‘yung buong bubong. Walang dobol si Anne roo , sabi ko nga, kung hindi nagma-marathon (tumatakbo) ang artista ko, hindi na siguro tuloy ang eksena ko, puputol-putulin ko na lang.
“First day nag-shoot kami, take 16, sabi ko okay na, hindi na natin gagamitin (2 days). Kasi naka-schedule kami ng 3 days. Sabi ko nga okay na hindi na natin gagamitin ang 2 days kaya yehey lahat, nagpa-inom pa kami ganyan.
“Pag-uwi ko, pinanood ko malaking screen, maraming mali, mga kalaban nakatingin sa camera, hiyang-hiya ako tumawag ako kay Anne, sabi namin na may problema na hindi maganda ‘yung take, puwede bang umulit tayo at umokey naman siya. Second day, 20 takes, wala kaming good takes pa. kasi sa kalagitnaan ‘pag may mali, uulit kami. May mga sumilip sa bintana na extra o lumabas, hindi naman puwedeng i-cure. Kaya sa 3rd day, 3:00 a.m. na wala pa kaming good takes. Iniisip ko na putol-putulin ko na lang siguro, wala nang paraan para magdagdag ng isang araw.
“Si Anne rin pala nag-iisip din siya kung makakayanan pa, basang-basa siya at nakaupo sa isang sulok. Nag-two takes ako, nakuha namin, so mga 4:30 a.m.na ‘yun.
“Grabe ang pagka-professional ni Anne, no questions asked, eh, napakatapang ng pelikula, napakatapang ng karakter niya, hindi siya pa-sweet o santa santita and all the way she gave it all,” detalyadong kuwento ni direk Erik.
Dahil sa mahihirap na eksena, natanong ang pangunahing bida kung dumating sa puntong gusto na niyang umayaw na bukod sa hirap, nagsuka at nagkasugat-sugat pa siya?
“Never!” bulalas niya. “Sobra akong competitive and challenge, so I like to beat the challenge.”
Inamin din ni Anne na pumapasok siya sa It’s Showtime na pasa-pasa ang legs at mga braso at may mga sugat.
“’Yung kasal ko, buti na lang long sleeve ‘yung dress ko at hindi kita ‘yung mga sugat ko, fresh wounds ha and yes this is the first time that I was ever punched in the face by a man, hindi naman niya sinasadya, hindi lang nantantiya kaya nasugatan ako sa mukha. Akala ko natanggal ‘yung ngipin ko, so hinawakan ko and it’s still there. Pagtingin ko sa set puro lalaki so ayokong umiyak kahit gusto kong umiyak pero ayaw ko kasi ako lang ‘yung babae at gusto kong patunayan na kaya ko. So, yes! I was physically injured shooting this film,” buong kuwento ng aktres.
At dahil umuuwing pasa-pasa at may mga sugat si Anne ay awang-awa sa kanya ang asawang si Erwan Heusaff at hindi naman siya pinigilang gawin ang pelikula dahil nakitang gusto niya.
“Mas excited nga siyang mapanood ang movie kasi alam niya kung gaano ako nahirapan dito,” ani Mrs. Heusaff.
Ang Buy Bust ang closing film na mapapanood sa New York Asian Film Festival sa Linggo, July 15 at mapapanood naman sa bansa ang pelikula sa Agosto 1 produced ng Viva Films.
Ang mga kasama ni Anne sa Buy Bust ay sina Brandon Vera, Joross Gamboa, AJ Muhlach, Mara Lopez, Victor Neri, Alex Calleja, Levi Ignacio, Nonie Buencamino, Lao Rodriguez at may special participation si Arjo Atayde.
ni R. A, BONOAN