WALANG panghihinayang kay Jerome Ponce na hindi siya natuloy sa pelikulang Ang Babaeng Allergic sa Wifi kasama sina Jameson Blake at Sue Ramirez dahil ilang buwan din ang hinintay niya bago gumiling ang kamera ni direk Jun Robles Lana. Nauna kasing kunan ang trailer ng pelikula.
Sakto naman noong alukin si Jerome para sa pelikulang Walwal kasama sina Elmo Magalona, Kiko Estrada, at Donny Pangilinan ay talagang umoo na ang aktor lalo’t si direk Jose Javier Reyes pa ang direktor na isa sa hinahangaan niya.
Labis na nagpasalamat nga si Jerome dahil nakatagpo siya ng mga kaibigan na maski tapos na silang mag-shoot ay hindi nawala ang communication nilang apat.
Aniya, “sobrang laki ng pasasalamat ko na nagkaroon ako ng bagong set of friends. Aminado naman ako na may mga high class sa buhay sila. Marami akong natutuhan sa kanila, the way makipag-usap, the way sa buhay at ibang klase talaga iyong friendship.
“Hindi ko inisip na baka nagsho-showbiz-an lang kami o nagpapataasan lang kami. Si Kiko, Ejercito siya, siyempre, sa GMA, kilalang actor din siya. Si Donny, sobrang open niya sa maraming bagay, even with Elmo.”
Hindi naman pinagtakpan ni Jerome na walang kalokohan sa katawan ang mga nabanggit na barkada.
“Well, regarding sa kalokohan, typical boys na naglolokohan, nag-aasaran. May tight, may crush, iyong ganoon lang. Natutuhan ko, iba siya. Hindi bad, puro good ang nakita ko sa kanila.
“Katulad ni Donny, kahit sobrang ganda ng buhay nila, Tagalog siya (magsalita) at marunong makisama, hindi siya maarte, go with the flow.
“Si Kiko, nagse-share siya amin.
“Si Elmo, kahit Magalona siya, hindi mo mararamdaman na royal siya, it’s just iyon siya,” paglalarawan ni Jerome.
Parang true to life ang karakter na Intoy ni Jerome na galing sa broken family na gustong mahanap o makilala ang ama. Aminado rin naman ang aktor na minsan sa buhay niya ay naging pasaway siya pero ngayon ay nagbago na siya. Kaya ang galing niya sa mga eksena.
“Siyempre, sa pamilya, sa mga pinagdaanan ko rati. I mean, hindi naman nangyayari sa kasalukuyan, pero nagagamit ko pa rin, kahit tapos na. Naaaplay mo talaga ang hugot at karga sa iskrip na parang totoong nangyayari,”pahayag ni Jerome.
At dahil siguro nakita ni direk Joey na si Jerome ang may mabigat na pinagdaanan kaya ibinigay sa kanya ang mabigat na karakter.
“Hindi naman pa-humble kong sasabihin at hindi ako magpapaka-humble. Pero siguro, nasa peak lang ako na heto ako, na katatapos lang akong mag-aral galing mula sa ‘The Good Son.’
“Marami akong natutuhan, marami akong karga sa lecture ng mga director ko. Si Donny, first movie niya ito na acting-acting. Si Elmo, katatapos lang nila iyong kay Janella. Tapos, si Kiko, first time kong maka-work, so hindi ko masasabing lumamang ako o hindi. It’s just that, siguro, tulad kay Kiko more of, tackle lang ng ganitong problema.
“Sa akin, maipagmamalaki ko na sobrang lamang ako dahil drama ang ibinigay sa akin na roon pa ako maraming karga at pinanggagalingan,” paliwanag pa ni Jerome.
Samantala, hindi totoong hiwalay na si Jerome sa girlfriend niyang player na si Mika Reyes pero hindi naman itinanggi ng aktor na may mga gusot sila minsan na na normal sa magkarelasyon.
Going back to Walwal ay kasama rin sa pelikula sina Kisses Delavin, Devon Seron, Jane de Leon, at Sofia Seneron na magpapatibok ng mga puso nina Jerome, Kiko, Donny, at Elmo.
Kaya mag-‘walwalan’ na sa mga sinehan sa Hunyo 27 mula sa Regal Films at Star Cinema na idinirehe naman ni Reyes.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan