KINOMPIRMA ng makapangyarihang Commission on Appointments ang nominasyon ni Sheriff Manimbayan Abas bilang chairman ng Commission on Elections (Comelec).
Si Abas, na ang termino ay matatapos sa 2 Pebrero 2022, ang pumalit kay dating Comelec Chairman Andres Bautista na nagbitiw sa puwesto dahil sa eskandalong kinahaharap.
Sa kabila ng pagkuwestiyon kay Abas ng mga miyembro ng komisyon dahil sa pagiging tiyuhin niya kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) chief negotiator Mahagher Igbal, ay nakalusot siya sa CA.
Inamin ni Abas sa komisyon ang kanilang pagiging magkamag-anak ni Igbal ngunit aniya ay walang masama sa pagkakaroon ng kamag-anak na rebelde at hindi niya ito kasalanan.
Tiniyak ni Abas na kanyang tutuparin ang kanyang tungkulin na pamunuan ang Comelec lalo na’t sa susunod na taon ay muling magdaraos ng halalan.
Siniguro rin ni Abas na hindi niya pahihintulutang may maganap na “failure of election” sa susunod na halalan bagkus ay isang malinis, mapayapa at maayos na eleksiyon ang magaganap. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)