INIHALAL na si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang bagong Senate President o pinuno ng Senado kapalit ni Senate President Koko Pimentel.
Mismong si Pimentel ang nag-nominate kay Sotto para sa posisyon ng Senate President na papalit sa kanyang puwesto.
Magugunitang bago ang palitan sa pagitan nina Sotto at Pimentel ay nabunyag na mayroong isang resolusyon na nilagdaan ng 15 senador para magkaroon ng bagong liderato sa Senado.
Nagpasalamat si Pimentel sa kanyang mga kapwa senador na nagtiwala sa kanya bilang Senate President.
Si Pimentel ay nailuklok bilang pang-28 Senate President noong Hulyo 2016, habang ang kanyang ama na si dating Senador Aquilino Pimentel, Jr., ay naluklok ding Senate President noong Nobyembre 2000 hanggang Hunyo 2001.
Kabilang sa mga dumalo sa sesyon at hindi tumutol sa nominasyon ni Sotto bilang bagong Senate President, ay sina Senators Cynthia Villar, Nancy Binay, Grace Poe, Loren Legarda, Manny Pacquiao, Gringo Honasan, Panfilo “Ping” Lacson, Richard Gordon, Juan Miguel Zubiri, Ralph Recto, JV Ejercito, Joel Villanueva, at Francis “Chiz” Escudero.
Wala si Senador Sonny Angara na isa sa lumagda sa resolusyon dahil nasa lamay ng kanyang yumaong amang si Senador Edgardo Angara at lumiban si Senador Win Gatchalian.
Samantala, hindi nag-nominate ang minorya sa Senado para magkaroon ng kalaban si Sotto.
Ngunit sa kabila nito ay tumayo si Senate Minority Leader Franklin Drilon upang ihayag sa sesyon na hindi nila sinasang-ayonan ang anomang palitan ng liderato ng Senado kaya’t abstain ang kanilang boto sa minorya.
Paliwanag ni Drilon, kung sila ay sasang-ayon o susuporta kay Sotto ay awtomatikong walang minorya kung kaya’t ipauubaya na nila ang lahat ng desisyon sa mayorya.
Kabilang sa minorya sina Senador Bam Aquino, Antonio Trillanes IV, Kiko Pangilinan, Senadora Leila De Lima at Riza Hontiveros.
Samantala, nahalal si Senador Zubiri na kapalit ni Sotto bilang Senate majority leader at pinuno ng committee on rules.
Makaraan manumpa sina Sotto at Zubiri sa kanilang bagong puwesto ay agaran silang nagpasalamat at tiniyak na tinatanggap nila ang bagong hamon. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)