WALA nang extension para sa paghahain ng certificate of candidacy (CoC) sa nalalapit na barangay elections sa darating na Mayo, ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez sa Kapihan sa Manila Bay sa Cafe Adriatico sa Malate, Maynila.
Nakatakda sa Biyernes ang huling araw ng paghahain ng mga kadidato ng kanilang CoC kaya wala nang tatanggapin pa pagkatapos nito, ani Jimenez.
“Aspirants will only have until 5 p.m. on Friday (April 20) to file their COCs at their nearest Comelec center,” babala niya.
Inihayag din ng tagapagsalita ng Comelec na nakatanggap na sila ng mahigit 100,000 applikasyon, na kung tutuusin umano’y maliit kung isasaalang-alang ang bilang ng mga posisyong pagbobotohan sa buong kapuluan.
Sa opisyal na datos, pag-aagawan ang may 31,900 chairmanship at 263,000 puwesto para sa kagawad sa halalan sa barangay at sangguniang kabataan (SK).
Nagsimula ang election period nitong Sabado, 14 Abril, na unang araw ng paghahain ng mga CoC at simula din ng election gun ban.
Itinakda rin ng Comelec ang campaign period mula 4-12 Mayo ang manual polls habang ang mismong halalan ay sa 14 Mayo.
“All candidates, including losers, must file by June 13 their statements of contributions and expenditures for election expenses with the Comelec,” dagdag ni Jimenez.
Samantala, napag-alaman din na ang mga naimprentang balota para sa barangay elections noong nakaraang Oktubre 2017 ang gagamitin sa Luzon at Visayas para maiwasan ng pamahalaan ang karagdagang gastusin, sa Mindanao lamang hindi nakapagpaimprenta dahil hindi na nagawa sanhi ng pagdedeklara ng batas militar sa nasabing rehiyon. (TRACY CABRERA)