KUMIKILOS ang pamahalaan para magkaroon ng sariling research vessel na magsasagawa ng pananaliksik sa bahagi ng Philippine Rise para makakalap ng mahahalagang impormasyon at datos na maaaring mapakinabangan ng bansa, punto ni national security adviser Hermogenes Esperon sa pagtalakay ng usapin sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine o South China Sea.
Ayon kay Esperon, naglaan ang administrasyong Duterte ng P2.5 bilyon para sa pagbili ng research ship na gagalugad sa karagatan, partikular sa bahagi ng Philippine Sea sa 250 kilometro ang layo sa kanluran ng hilagang baybayin ng Dinapigue sa Isabela.
Tinukoy nito ang nakitang solidified methane sa paligid ng pinakamataas o taluktok ng Benham Rise na natagpuan sa unang mga pananaliksik sa nasabing lugar.
“We still have to determine if there are marine or mineral resources that we will find but it is not remote that we can discover alternative sources of energy here like natural gases,” aniya.
Ukol naman sa usapin ng panghihimasok ng China sa binansagang Philippine Rise, sinabi ng kalihim na makakatiyak ang sambayanan na ginagawa ng gobyerno sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nararapat para masigurong ang makikinabang sa pakikipagrelasyon natin sa ibang bansa ay buong sambayanan.
“Our independent foreign policy will ensure that what we are protecting and pushing for is our national interest and not the interest of other countries. We consider all others as our friends and in doing so we will strictly follow the code of conduct drafted by the ASEAN (Association of Southeast Asian Nations),” idiniin nito.
“We also need not fear about more encroachment by the Chinese into our territory because we are having regular discussions with Beijing through economic consultative meetings and other conferences,” dagdag ng kalihim.
(Tracy Cabrera)