BINASBASAN na ng Philippine Basketball Association (PBA) ang trade na magtutulak kay Jericho Cruz patungong Talk ‘N Text mula sa Rain or Shine kahapon.
Ngunit para maisapinal ito ay kinailangan ng KaTropa na idagdag ang isa pa nilang guwardiya na si Kris Rosales sa naturang trade.
Bunsod nito, naidagdag si Rosales sa orihinal na trade package na sina rookie Sydney Onwubere at 2018 first round pick upang makuha ang star guard na si Cruz.
Magugunitang kamakailan ay ibinahagi ni Rain or Shine head coach Caloy Garcia na matagal nang hiling ni Cruz ang ma-trade at kung maaari ay sa NLEX upang makasama muli ang dating coach na si Yeng Guiao.
Bahagyang naisaktuparan ang kanyang hiling na mai-trade ngunit hindi sa NLEX kundi sa kapatid nitong koponan na TNT.
Gayonpaman, inaasahang magiging malaking tulong si Cruz sa kampo ng TNT na delikadong makapasok sa playoffs ngayong 2018 Philippine Cup.
Kasalukuyang nasa 4-6 ang kartada ng KaTropa matapos ang tatlong sunod na kabiguan. Nakakapit na lamang sila ngayon sa ikawalong puwesto at kinakailangan manalo kontra NLEX upang manatiling buhay ang pag-asa.
Samantala, waring naka-jackpot ang Elasto Painters dahil tatlong manlalaro ang nakuha nito.
Hangad na mapatatag pa lalo ang puwesto sa ikaapat na ranggo bunsod ng 5-3 marka, magsisilbing dagdag na puwersa sa kanila ang rookie big man na si Onwubere gayondin ang kamador na si Rosales.
Bukod rito ay may tsansang makakuha ng malupit na pick ang Rain or Shine sa 2018 PBA Rookie Draft na puno ng talento dahil sa first round pick mula sa TNT.
ni John Bryan Ulanday