NAGBABALA ang NFA Council sa mga pribadong negosyante na maaari silang maharap sa kasong economic sabotage sa pagtatago ng bigas.
Sa ipinatawag na press briefing sa Malacañang ni Secretary to the Cabinet Leoncio Evasco, sinabi niyang may hinala silang nagkaroon ng “hoarding” o pagtatago ng bigas sa malalaking bodega ng mga pribadong rice trader.
“Can you sleep at night when a lot of people don’t have anything to buy and yet you’re hoarding, you are keeping so much?” ani Evasco.
Aniya, hindi simpleng criminal liability ang ganitong uri ng ilegal na aktibidad dahil nagreresulta ito sa pagkakait na makabili ng murang bigas ang publiko lalo ang mahihirap.
Giit ni Evasco, maging ang National Food Authority (NFA) ay maaaring sampahan ng kaso ng “dereliction of duty” kung nakitang hindi nito ginagawa ang kanilang mandato.
Kaya inatasan ng konseho ang NFA na maging pro-active sa pagmo-monitor sa malalaking bodega ng mga pribadong rice trader, kasama na ang pagsasagawa ng inspeksiyon at asuntohin ang mapatutunayang sangkot sa hoarding acti-vities.
Matatandaan, nagkaroon ng iringan sina Evasco at NFA Administrator Jason Aquino hinggil sa paraan ng pag-aangkat ng bigas.
Nais ni Aquino na mag-angkat ng bigas sa pamamagitan ng government-to-government (G2G) transaction habang si Evasco ay private rice importation alinsunod sa Minimum Access Volume (MAV) na isasakatuparan ng “eligible importers in good standing and duly registered farmer cooperatives at the Cooperative Development Authority.”
ni ROSE NOVENARIO